Matagal nang usapin ng maraming mga Pilipino ang pagbukod ng isang anak mula sa kaniyang mga magulang kapag mayroon na itong sarili niyang pamilya. Ngunit mas marami pa rin sa atin ang tila mas naging komportable na sa kaugalian at nakasanayan nating paninirahan sa poder ng mga magulang kahit pa nga mayroon na tayong sarili nating pamilya.
Marahil dahil sa “closed family ties” na isa sa mga kaugalian nating mga Pilipino ay mas pinipili pa rin ng marami sa atin na manirahan sa iisang bahay kasama ng ating mga magulang, mga kapatid, asawa at mga anak. Ngunit para sa netizen na si Dharacel Anne Florendo mas nais niya ang pagbukod nilang mag-asawa kaysa makitira sa poder ng kaniyang pamilya o pamilya ng kaniyang mister.
Iniisa-isa pa niya ang mga dahilan kung bakit mas mainam ang pagbukod ng mag-asawa. Unang una nang dahilan ang isang reyna o hari lamang dapat ang nakatira sa isang palasyo. Mahalaga ang pagkakaroon ng “privacy” sa mag-asawa kung kaya naman napakalaking bagay kapag sila ay nakabukod na.
Mas madali ring kumilos sa bahay kung wala kayong kasamang ibang kamag-anak o kapamilya. Ikalawang dahilan naman ang magagawa ninyong mag-asawa ang kahit anong gusto ninyo dahil nasa loob kayo ng sarili ninyong bahay.
Kung ayaw muna ninyong maghugas ng mga plato, magwalis o magligpit ng kalat ay ayos lang, walang sisita o magagalit sa inyo. Ikatlo, matututunan ninyong tumayo sa sarili ninyong mga paa. Bilang mag-asawa ay mas magkakaroon kayo ng team work dahil sa magkatuwang na kayo sa paghahanap-buhay at pagbaba-budget ng mga gastusin sa bahay.
Ikaapat, mayroong kang kontrol sa iyong anak. Kaya mo siyang palakihin, disiplinahin at hubugin sa paraang alam mong makabubuti para sa kaniya nang walang nag-uutos at nagsasabi sa iyo ng tama at mali para sa kanilang pananaw.
Ikalima, walang maaaring makialam sa problema o gusot ninyong mag-asawa. Walang pwedeng makisawsaw o di kaya naman ay magsulsol sa iyong asawa o kahit sa iyo mismo.
Ikaanim, tiyak na magiging responsable kayong mag-asawa pagdating sa usaping pinansiyal, magkasama kayo sa pag-iimpok at maging sa pagtitipid. Ikapito, mas makikilala ninyo ang inyong misis o mister dahil sa kayo lamang ang magtataguyod ng binubuo ninyong pamilya.
Ikawalo, magkakaroon kayo ng sarili ninyong pagkakakilanlan bilang isang buong pamilya na nakahiwalay sa poder ng inyong mga magulang. Ikasiyam, bawas stress sa buhay dahil sa walang sinumang magbibilang ng bawat galaw at kilos mo lalo na pagdating sa mga gawaing bahay.
Ikasampung dahilan, higit sa lahat ay magkakaroon ka ng “peace of mind” na talagang hindi mabibili ng kahit gaano man kalaking halaga ng pera.
0 Comments