Tayong mga Pilipino, kahit napakahirap ng buhay at maraming mga pagsubok ang naranasan natin nitong nagdaang taon ay hindi pa rin nawawala sa atin ang pag-asa na magiging maayos din ang lahat sa tamang panahon. Kahit pa nga ibang-iba ang naging pagdiriwang natin sa Kapaskuhan at Bagong Taon dahil na rin sa pandemya ay nagagawa pa rin nating magsaya na tila ba wala tayong iniisip na pandemya at mga pagsubok sa buhay.
Sa katunayan pa nga ay naging katatawanan pa sa social media ang mga “Lechon Bread” na kabilang sa handa ng marami sa atin nitong nagdaang Pasko at Bagong Taon. Ang tinapay na ito ay hugis lechon kung kaya naman marami ang nahihikayat na bumili nito dahil sa murang halaga ay tila mayroon ka nang lechon sa mesa.
Ngunit hindi akalain ng ilang mga Pinoy na kakaibang “Lechon Bread” pala ang kanilang maihahanda para sa mga selebrasyong ito. Tulad na lamang ng ilang mga netizens na nagbahagi ng ilang mga larawan kasama ang mga nakakatuwang pahayag tungkol sa kanilang nabiling tinapay.
Ang isang netizen ay nagbahagi ng larawan ng kaniyang “Pan De Bugbog” na aakalain mo talagang nabugbog na mukha ng isang tao. Marami din naman ang nagsabing tila isang malaking “Hippopotamus” ang kanilang nabili. Kinagiliwan din naman ang mga “Lechon Bread” na tila puro puwet, mga “Lechon Bread” na banlag o di kaya naman ay duling, mga “Lechon Bread” na nakangiti at tila ba tumatawa.
Mayroon din namang “Lechon Bread” na tila isang inahing baboy na nagpapadede pa ng kaniyang mga anak. Mayroon pa ngang ilang “Lechon Bread” na inilarawan bilang isang unanong baboy, buwaya, at kalabaw habang ang iba naman ay dinosaur daw ang hitsura.
Tunay nga na marami pa ring mga bagay ang nakapagpapangiti at nakapagpapasaya sa atin. Mayroon man tayong kinakaharap ng mga pagsubok, pandemya, kalamidad at sakuna, hindi pa rin mawawala ang kagalakan at pagiging masayahin ng maraming mga Pilipino.
0 Comments