93-anyos na lolo, gumagamit ng magnifying glass at hearing aid habang tinutulungan ang mga apo sa kanilang mga modyuls!




Napa-wow at napa-sana all ang maraming mga netizens dahil sa pambihirang dedikasyon at pagmamahal ni Lolo Bonifacio Santolaja sa kaniyang mga apo. Kahit kasi 93 taong gulang na siya ay nais pa rin niyang gabayan at tulungan ang kaniyang mga apo sa kanilang pag-aaral lalo na ngayong “modular learning” ay halos laganap na rin sa maraming mga lugar sa buong bansa dulot ng pandemya.



Ibinahagi sa publiko ng kaniyang anak na si Marlette Santolaja Cocjin ang ilang mga larawan ng pambihirang lolo na masayang nagtuturo sa kaniyang mga apo. Kahit pa nga mahina na ang kaniyang pandinig at malabo na ang kaniyang mga mata ay hindi ito naging hadlang upang matulungan niya ang kaniyang mga apo sa kanilang pag-aaral.


Nagtrabaho noon si Lolo Boning bilang isang cashier sa isang malaking kooperatiba sa kailang rehiyon. Kumuha siya ng kursong “Accountancy” ngunit hindi niya natapos ang kaniyang pag-aaral.



Gayunpaman ay napagtapos naman niya ang kaniyang mga anak. Sa ngayon ay nais naman niyang magabayan ang kaniyang mga apo sa kanilang pag-aaral.

Kahit pa nga matanda na si Lolo Boning ay nagtatrabaho pa rin pala ito bilang “Treasurer” sa Office of the Senior Citizen (OSCA) sa Tacurong. Hindi rin pala siya tumatanggap ng sahod mula sa trabaho niyang ito dahil para sa kaniya ay “labor of love” ito.



Umani naman ng maraming mga komento at reaksyon mula sa publiko ang pambihirang pagmamahal na ito ni Lolo Boning sa kaniyang mga apo. Lalo na sa pagbibigay niya ng importansiya sa karunungan at kaalamang maaari pa niyang maibahagi sa kaniyang mga mahal sa buhay.




Tunay nga na ang mga kaalamang ito ay hindi mananakaw ninuman bagkus ay mas malilinang pa kung ibabahagi sa ibang tao. Pinatunayan din niyang walang limitasyon sa edad kung nais mo talagang ibahagi kung anong mayroon ka para sa ikabubuti ng iyong kapwa tulad na lamang ni Lolo Boning.





Post a Comment

0 Comments