Nitong nagdaang mga araw ay talagang kinabahan at natakot ang marami sa atin dahil sa balita na papasok sa ating bansa ang Bagyong Rolly. Binansagan itong “world’s strongest tropical cyclone”ngayong taon.
Unang araw ng Nobyembre nang maramdaman ito ng maraming mga lugar sa bansa. Ayon sa ilang mga ulat, 4:50 AM nang una itong bumagsak sa kalupaan ng Bato, Catanduanes.
Bandang 7:20 naman ng umaga ring iyon ay bumagsak naman ito sa kalupaan ng Tiwi, Albay. Nang mga oras ding iyon ay itinaas sa signal no. 4 ang Metro Manila na talaga namang labis na ikinabahala ng maraming mga Pilipino.
Talaga namang napakaraming mga pamilya ang kinailangang ilikas para na rin sa kanilang kaligtasan. Maraming mga tahanan ang nawasak at nasira ng rumaragasang tubig ulan.
Ilang mga tao pa ang naapektuhan dahil sa mapaminsalang bagyong ito. Ngunit laking pasasalamat pa rin ng maraming mga Pilipino na ang ilan sa kanilang mga lugar ay hindi gaano sinalanta ng bagyo.
Maraming mga netizens ang nagsasabing dahil ito sa “natural barrier” na Sierra Madre sa Luzon. Sakop nito ang mga probinsiya ng Aurora, Bulacan, Cagayan, Isabela, Laguna, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Quezon, Quirino at Rizal.
Ang Sierra Madre ang itinuturing na pinakamahabang bulubundukin sa buong bansa. Ito ay dahil sa nagsisimula ito sa probinsiya ng Cagayan at nagtatapos sa probinsiya ng Quezon.
Maraming mga netizens ang nagsasabing naharang mismo ng mga bundok na ito ang malakas at mapaminsalang bagyong Rolly na inaasahang magdudulot ng matinding panganib sa maraming mga Pilipino. Dahil dito ay maraming mga netizens ang nagsasabing sana ay mas pangalagaan at proteksiyunan natin ang ating kapaligiran dahil sa ang mga ito mismo ang nag-iingat sa atin.
Ang walang habas na pagputol ng mga puno ay dapat na ring ipagbawal upang mas mapangalagaan ang ating mga kabundukan. Sa pamamaraan lamang na ito ay makaganti tayo sa proteksyong ibinibigay sa atin ni Inang Kalikasan.
0 Comments