Kamakailan lamang ay may ulat mula sa Unang Balita patungkol sa isang Pinoy sa Japan na nakatanggap ng parangal dahil sa kabutihang loob na ginawa nito sa isang babae na dapat ay tatalon sa tulay.
Si Emil Reboja Vega, 32 taong gulang, ang nagligtas diumano sa isang residente ng Asaka City, Saitama Prefecture sa bingit ng kamatayan noong ika-24 ng Abril.
Dahil dito ay kinilala ni Makoto Sato, Asaka City Police Commissioner Chief Police Inspector, ang kabutihang loob ni Vega at siya’y nakatanggap ng certificate.
Ayon sa kwento ni Vega, habang siya ay bumibiyahe pauwi galing trabaho sakay ng kanyang motorsiklo ay namataan niya ang isang babaeng tila nais ng tumalon sa tulay.
Hindi nag atubiling bumaba ng motor si Vega at dali daling hinawakan ang kamay ng babae at humingi ng tulong sa mga dumaraang kapwa motorista.
Nitong Biyernes, bilang pagkilala sa kabayanihan ni Vega upang matulungan ang babae ay binigyan siya ng parangal.
16 na taon ng nagtatrabaho sa Japan si Vega bilang isang plumber.
Ang mga Pilipino’y sadyang matulungin. Maipagmamalaki talaga natin ang ating lahi sa iba’t ibang bansa dahil sa mga ganitong pagkakataon. Handang tumulong sa lahat ng oras, sa kahit saan at kahit sinuman.
Marami pa sanang Pinoy ang patuloy na gumawa ng kabutihan sa kapwa, may parangal man o wala.
0 Comments