Maraming mga pamilya sa ngayon ang talagang naghihigpit ng sinturon para lamang mapagkasya ang kanilang maliit na “budget” sa araw-araw. Kung noon ay mahirap kumita ng pera, mas naging mahirap ang lahat lalo na ng magsimula ang pandemya sa ating bansa.



Napakaraming nawalan ng mga trabaho, mga negosyong kinailangang magsara at mga pamilyang kinailangang manatili muna sa loob ng kanilang mga tahanan. Dahil nga sa napakahirap na sitwasyong ito ay marami sa atin ang nagtiis at talagang nagsakripisyo na lamang.

Marahil marami ding mga magulang ang nahirapang mag-budget sa araw-araw. Ngunit sinong mag-aakala na sa gitna ng pandemyang nararanasan nating lahat ngayon sa iba’t-ibang panig ng bansa at ng marami pang mga bansa sa buong mundo ay mayroon pa rin palang mga taong mapagsamantala at manloloko ng kanilang kapwa?



Ito ay naging personal na karanasan ng isang ginang na nakilala sa pangalang Relivic Gelle Taladtad. Labis kasi siyang nadismaya nang malamang kulang pala ng isang hiwa ang isdang pinamili niya sa isang pamilihan.
At ang mas nagpasama pa ng kaniyang loob ay ang katotohanang hindi niya ito maibabalik agad agad dahil sa napakalayo ng naturang pamilihan sa kanilang bahay sa “pulo” o isang isla. Ayon sa naging pahayag niya ay nakikisuyo siya sa mga nagtitinda ng isda na huwag naman sana silang manloko ng mga taong bumibili sa kanila.



Ang tangi niyang hiling ay katapatan mula sa mga taong ito na nagtitinda ng mga isdang tinatangkilik ng marami nating mga kababayan. Marami ring mga netizens ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa mga taong gumagawa nito sa kanilang kapwa.

Hindi ito makatarungan dahil bilang isang mamimili ay nagbayad ka naman ng tama kung kaya naman inaasahan mong makukuha mo ang produktong iyong binili ng wastong bilang, walang labis at walang kulang.




Narito ang naging reaksyon ng ilang mga netizens patungkol sa viral post:

“Naranasan ko ‘yan. ‘Di ba magbabayad ka, binigay mo ‘yan pagtingin nila na nagdudukot ka sa pitaka mo, sa sampu na bawas isa. May pang-ulam na o isang kilo na rin.” Pahayag ng isa.

“Dapat ‘yan maalisan ng puwesto sa palenge.” Komento pa ng isang netizen.

“Kaya mahirap ‘yung hindi natin nakikita ‘yung mismong binili natin. Dati ‘yung tilapia, ang lalaki nung pinili ko, nung nilinis lumiit. Mukhang sindikato ‘yun. Sobra naman. Binayaran mo ng tama tapos ang binigay sa’yo hindi tama.”Turan naman ng isa pa.