Isang 50-anyos na lalaki ang hindi nagdalawang-isip na ibigay para sa mga nangangailangan ang pera na nalikom niya mula sa kaniyang pamamalimos. Personal na pinasalamatan ni Marikina Mayor Marcy Teodoro si Romeo Meni dahil sa pambihirang pagmamalasakit at pagtulong nito sa mga taong labis na naapektuhan ng bagyong Ulysses ilang araw pa lamang ang nakalilipas.
Si Romeo ay nakatira sa Barangay Mambugan at talagang nagpursige siyang mangalap ng pera sa lansangan para mayroon siyang maitulong sa mga taong nangangailangan ngayon. Ang Marikina Public Information Office (PIO) naman ang nagbahagi ng pambiharang kwento na ito ni Romeo sa publiko.
“Isang natatanging tulong ang natanggap ng Lungsod ng Marikina buhat sa isang residente ng Antipolo. Nangolekta at nanghingi ng pera sa kalsada ang 50 anyos na PWD na si Romeo Menil, taga-Barangay Mambugan, upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyo sa lungsod,” Pahayag ng Facebook page ng PIO ng Marikina.
Dahil nga sa kaniyang masigasig na pamamalimos at panghihingi ng tulong ay nakalikom siya ng higit sa Php12,000 at siya mismo ang humingi ng tulong sa isa sa kanilang mga barangay kagawad upang siya mismo ang mag-abot ng tulong na kaniyang nakalap sa kanilang lokal na pamahalaan.
“Nakalikom ng halagang P12,390 si Menil kaya nagpasama siya sa kagawad ng kanilang barangay upang maiabot ang pera sa mga taga-Marikina. Bagama’t may kapansanan, hindi naging hadlang kay Menil ang pagtulong,” Dagdag pa ng PIO.
“MABUHAY KA GINOONG ROMEO MENIL! Basta’t sama-sama at tulong-tulong, sa lalong madaling panahon, makakabangon ang Marikina,” Komento pa ni Mayor Marcy.
Tunay nga na napakasarap sa pakiramdam makakita ng mga ganitong klase ng tao na kahit hindi mayaman sa materyal na bagay ay talagang gagawa at gagawa ng paraan upang makatulong sa mga taong mas nangangailangan ng tulong sa ngayon. Nawa ay mas marami pang mga tao ang magkaroon ng ganitong klase ng pagmamalasakit sa kanilang kapwa at tiyak na mas magiging maayos ang buhay natin kahit pa maraming mga problema, sakuna at kalamidad ang ating nararanasan.
0 Comments