Bumuhos ang tulong sa isang lalaking nagnakaw umano ng diaper, gatas at iba pang grocery para sa kanyang pamilya
Sinasabing para sa isang magulang, ang kapakanan ng pamilya, lalo na ng anak ang maituturing na pinakaimportante para sa kanila. Kaya naman hindi naiiwasan na may mga magulang na sadyang kumakapit sa patalim kapag pangangailangan na ng mga anak ang nalagay sa alanganin.
Tulad na lamang sa nakakalungkot na pangyayaring naganap sa isang lalaki na nahuli diumano sa isang grocery store sa Bonifacio Global, Taguig City dahil sa pagnanakaw ng grocery items na naglalaman ng isang malaking pack ng diaper, 4 na pack ng gatas, isang pack ng hotdog, 10 pakete ng 3-in-1 coffee, at isang air freshener na may total diumano na Php 3,500.
Ayon sa ulat ng mga pulis, bigla raw lumabas ang suspek sa grocery store, bitbit ang mga pinamili, nang hindi dumadaan sa cashier. Dito ay nakita siya ng guwardiya ng establisimyento at hiningian ng resibo, ngunit walang naipakita ang lalaki, kaya agad siyang hinuli at ikinulong sa Taguig Police Station na ngayon ay nahaharap sa reklamong theft.
Ngunit sa halip na ikagalit ng mga netizens ang maling ginawa ng lalaki, ay kabaligtaran ang nangyari. Dahil imbes na kutyain siya sa ginawa ay naging daan pa ito upang siya ay kaawaan at matulungan.
Sa ulat ng ABS-CBN News, makikita ang napakaraming comments ng pakikisimpatya sa suspek. Marami ang nagsabing hindi na dapat hinuli at ikinulong ang lalaki, dahil marahil ay nagawa lamang niyang magnakaw para sa mga anak na nagugutom at nangangailangan.
Marami rin ang nais magpaabot ng tulong para sa lalaki at kanyang pamilya.
Source: Noypi Ako
0 Comments