Marami nang mga kalamidad at sakuna ang naranasan natin nitong mga nagdaang taon. At talaga namang hindi matatawaran ang takot at pangamba na palagi nating nararamdaman sa tuwing sasapit na naman ang mga ganitong pangyayari.
Marahil ay malinaw pa rin sa alaala ng iilan sa atin ang usap-usapan noon na magugunaw na raw ang mundo taong 2012. Walong taon makalipas nito ay hindi pa rin ito nangyayari. Ngunit hindi pa rin nawawala sa isipan ng publiko ang posibilidad na maganap nga ito.
Kamakailan lamang ay muli na namang nangamba ang maraming mga Pilipino dahil sa maaari diumanong lumubog nang tuluyan ang ilang mga lugar sa Pilipinas pagsapit ng taong 2050! Ayon sa naging pag-aaral ng New Jersey-based Science Organization Climate Central, mayroong mga lugar sa bansa na mayroong posibilidad na lumubog at hindi na muling makita pa.
Ang pangyayari na ito ay resulta ng patuloy na pagtaas ng “Sea level”, pagtaas ng temperatura ng ating mundo, at ang “carbon dioxide emission”. Ang huli ang siyang dahilan kung kaya naman natutunaw ang mga “glacier” o malalaking tipak ng yelo na nagiging dahilan ng pagtaas ng “sea level”.
Ilan sa mga lugar na nanganganib lumubog pagtungtong ng taong 2050 ay ang sumusunod: Roxas City, Cebu City, Southwestern Metro Manila, Northwestern Metro Manila, ilang parte ng Bulacan, Zamboanga City, Iloilo City at Manila City. Maraming mga netizens ang talagang nabahala dahil sa balitang ito at tiyak na mas marami pang mga tao ang hindi mapapalagay hanggang sa pagsapit ng taong 2050 kung kailan diumano ay lulubog na ang mga lugar na ito.
Marahil isa itong senyales na dapat na tayong mas maging maalaga at maingat sa ating kalikasan. Halos lahat ng ating mga pangangailangan ay nakukuha natin sa kapaligiran kung kaya naman hindi natin dapat ipagsawalang-bahala ang mga nagiging pakinabang natin dito.
Marapat lamang na mas ingatan natin at mahalin ang ating kalikasan habang mayroon pa tayong natitirang panahon.
0 Comments