Sa panahon ngayon ng pandemya, talaga namang napakahirap magbuntis at manganak. Mas mahal kasi ang bayarin ngayon sa ospital kumpara noong mga panahong wala pang COVID-19.
Kung kaya naman maliban sa sakripisyo ng mga ina ay talagang hirap din ang kalooban ng marami lalo na kung wala silang malaking perang hawak pambayad ng kanilang lumolobong bill sa ospital. Halimbawa na lamang ang mag-asawang Overseas Filipino Worker (OFW) na ito na sina Jaymar at Glenda Teope.
Nagtatrabaho sila sa Macau kung saan nagbuntis si Glenda, dahil na rin sa pandemya ay hindi na niya nagawa pang makauwi sa Pilipinas kung kaya naman dito na siya inabutan ng panganganak. Hindi kaagad nakauwi ang mag-ina dahil sa nagkaroon ng kumplikasyon ang sanggol dahil sa nakapalupot pala sa leeg nito ang kaniyang “umbilical cord”.
Ang kanilang sanggol ay pinangalanan nilang Baby Miguel. Dahil nga sa nangyari ay mas lalong naging mahirap sa mag-asawang magbayad ng halos Php250,000 na halaga ng kaniyang hospital bill.
Buti na lamang at ang isa sa kanilang mga kaibigan na OFW rin ay mayroong amo na kabilang sa isang grupo ng mga Portuges na siyang tumutulong sa mga sanggol sa kanilang lugar. Talagang nasorpresa ang mag-asawa nang sabihin sa kanila ng staff ng ospital na “fully paid” na sila at wala na silang babayaran pa.
Sobrang pasasalamat ang naramdaman ng mag-asawa sa grupong tumulong sa kanila ngunit nais man nilang magpasalamat ng personal ay hindi na nais pang magpakilala ng grupong ito.
“Para kaming nanalo sa isang game show. Congratulation yung bill niyo fully paid na,” buong galak na pahayag ni Jaymar.
Tunay nga na kahit gaano man kahirap at ka-imposible ang maraming mga bagay sa mundo, huwag tayong mawawalan ng pag-asa dahil sa tiyak na darating din ang araw na mayroong taong tutulong sa atin upang kahit papaano ay gumaan ang ating dalahin.
0 Comments