“Online shopping” at “online delivery services”, ilan lamang iyan sa mga patok na patok ngayon hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang panig pa ng mundo. Dahil kasi sa takot natin sa pandemya ay mas marami na ang mas nais magbayad na lamang ng “delivery fee” o “delivery charge” kaysa lumabas ng kanilang mga tahanan.
Ngunit kung maraming mga magagandang dulot ang mga ito sa atin, mayroon din namang iilan na hindi magandang epekto ang “online shopping” at “online delivery services”. Tulad na lamang halimbawa ng nangyaring ito sa isang pamilya sa Bohol.
Hindi kasi akalain ng magulang ng batang lalaki na ito na makakaya pala nitong umorder online ng isang motorbike at bulldozer na nagkakahalaga mismo ng Php6,000! Talaga namang nagkagulatan sila ng bigla na lamang mayroong taong nag-deliver ng diumano ay order daw nila.
Wala nang nagawa pa ang ina ng bata dahil sa naroon na ang mga inorder ng kaniyang anak kung kaya naman binayaran na lamang nila ito. Ayon pa sa naging pahayag ng ina, wala na silang magiging handa para sa Bagong Taon dahil sa binayad na nila ito sa biniling laruan ng kanilang anak.
Maraming mga netizens ang nagulat at talaga namang hindi makapaniwala dahil halos nasa tatlo hanggang limang taong gulang pa lamang ang batang lalaki ngunit nakapag-order na agad ito ng gusto niyang motorbike at bulldozer. Bagamat hindi maipinta ang hitsura ng kaniyang mga magulang ay marami namang mga netizens ang natuwa sa nangyari ito.
Sinong mag-aakala na ang isang batang paslit ay mamimili nang ganoong mga laruan sa isang online shopping app nang hindi man lamang nahuhuli ng kaniyang mga magulang! Kung kaya naman para sa mga magulang na mayroong maliliit na mga anak, maging aral na ito na hindi tayo dapat maging kampante at gawin na dapat natin ang mga bagay na dapat nating gawin upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari.
0 Comments