Hindi naging madali ang taong 2020 para sa ating lahat, maliban kasi sa takot at pangamba na naranasan natin ay marami din ang nawalan ng trabaho. Tulad na lamang halimbawa ng 26 na taong gulang na si Maureen Avila.
Dati siyang “lead cabin crew member” ng isang “airline company” sa Pilipinas. Ayon sa naging panayam sa kaniya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ay naging mahirap para sa kaniya ang unang dalawang linggo ng kawalan niya trabaho.
Halos hindi na rin siya makakain at makabangon ng kaniyang higaan dahil sa hindi niya alam kung paano sila makakaraos ng kaniyang pamilya. Kahit pa nga nakasuporta naman sa kaniya ang kaniyang pamilya at ang kaniyang nobyong si Carl ay hindi pa rin niya magawang makampante dahil sa hindi lamang siya nawalan ng trabaho at mapagkakakitaan kundi nawala rin sa kaniya ang kaniyang pangarap na halos tatlong taon niya ring pinagsumikapan ng husto.
Hindi nagtagal ay mayroong isang kaibigan nila ang nag-alok sa magkasintahan na subukang mag-“franchise” ng kanilang LPG business. Dahil sa batid naman nina Maureen at Carl na isa ito sa pangunahing pangangailangan ng maraming mga Pilipino sa ngayon, hindi na sila nagdalawang-isip pa.
Hindi rin naging madali para kay Maureen ang desisyong ito dahil sa wala siyang sobrang pera para sa pagtatayo ng isang negosyo, ang kaniyang ipon ay nais niyang ilaan sa pang-araw-araw na gastusin ng kaniyang pamilya. Ngunit dahil na rin sa suporta ng kanilang mga magulang ay naituloy na rin nila ang pagbubukas ng kanilang LPG business.
Mayroon din siyang payo sa mga katulad niyang humaharap sa mahigpit na pagsubok.
“Wag mo iisipin ang sasabihin ng ibang tao. Diskarte at sakripisyo ang bubuhay sa iyo at sa family mo. Walang mabigat na pagdadaanan pag family mo ang kasama mo. Hugot ka lang ng lakas sa family mo at lagi ninyong papairalin ang pagmamahal at pagkakaintindihan.”
0 Comments