“’Nay excited na po ako makasama sila bunso at si Tatay mamayang gabi. Noche Buena na po ‘nun di ba?” halatang sabik na sabik na si Carlo sa munting salo-salo nila ng kaniyang buong pamilya mamaya bilang pagsalubong sa araw ng kapanganakan ng ating Panginoong Hesus.
“Oo anak tama ka. Kaya nga dapat ay maubos na natin kaagad ang mga tinda nating gulay upang makauwi tayo ng maaga.” Sagot naman ni Nanay Agnes sa kaniyang masipag na anak.
Dalawa lamang ang anak nila ng kaniyang asawang si Mang Caloy na nagtatrabaho bilang isang magsasaka. Ang kaniyang panganay na anak na si Carlo ang madalas niyang katuwang sa kanilang munting pwesto sa palengke kung saan sila nagtitinda ng mga gulay. Ngunit dahil na rin sa kasalukuyang kalagayan ngayon ng maraming mga lugar sa bansa dahil sa kumakalat na sakit ay talagang hirap pa rin sila.
Maya-maya pa ay dumating ang pulis na nagngangalang Gardo. Siya ang palaging nangongolekta ng pera o lagay mula sa mga taong nagtitinda sa bangketa upang hindi sila hulihin ng mga pulis. Dahil sa pagnanais nilang makabenta ay wala na silang iba pang magawa kundi mag-abot ng pera sa pulis na ito, walang kahit ano mang resibo, deretso sa kaniyang mataba at namumutok nang bulsa.
Nang sapitin ng pulis na si Gardo ang pwesto ng gulayan ng mag-ina ay kakaunti pa lamang ang kanilang kinikita, hindi pa sila kumakain ng tanghalian kung kaya naman talagang gutom na gutom na sila. Gustuhin man kasi nilang kumain ay hindi nila magawa dahil sa batid nilang darating ang mapagmataas na pulis na ito upang kikilan na naman ang mga pobreng tindero na ang nais lamang ay kumita ng kaunting pera.
Inabot naman agad ni Nanay Agnes ang pera sa pulis ngunit hindi pa ito nakakalayo ng husto ay narinig nito ang mga katagang sinambit ni Carlo.
“Ano ba naman yan! Grabe naman ang pulis na ito. Mas malaki naman ang sweldo nila sa amin pero kung makahingi sila ng pera sa mga tindero dito akala mo ay sila na ang nagmamay-ari ng bangketa!” Walang pag-iingat na turan ng binate.
Labis na nagalit ang pulis at dahil dito ay agad niyang binuhat ang kawawang si Carlo at dinala sa presinto kasama ang kaniyang ina na walang tigil sa pag-iyak. Tila ba dito na sila magdiriwang ng Kapaskuhan at hindi na matutupad ang munting pangarap ni Carlo na sama-samang pagsasalo-salo ng kaniyang buong pamilya.
Makakamit pa kaya nila ang hustisya na para sa kanila laban sa pulis na ito na walang ibang alam gawin kundi gumagamit ng dahas sa mga taong walang kalaban-laban?
0 Comments