Marahil ay sinisisi ng marami ngayon ang pandemya dahil sa paglobo ng kanilang mga timbang. Dahil kasi ilang buwan din tayong nanatili sa ating mga tahanan ay mas napasarap at napadalas ang ating pagkain.
Mas masarap naman kasi kumain sa loob ng ating tahanan kasama ang ating mga mahal sa buhay. Kung kaya naman ngayon ay napakahirap nang magbawas ng timbang dahil sa nakasanayan na nga natin ang ganitong sistema.
Ngunit para sa isang ama na ito ay hindi kailangan ng anumang dahilan upang hindi makapagbawas ng timbang ang kaniyang anak. Dahil sa maglalaan siya ng Php10,000 sa kaniyang anak kung magagawa nitong makapagbawas ng timbang sa loob ng limang buwan.
Ang ama na si Jeric Paulo De Jesus ay sumulat pa ng kontrata para sa kaniyang anak noong ika-30 ng Disyembre, 2020. “Pag pumayat ka bibigyan kita ng 10,000”. Ang timbang ng kaniyang anak na si Jelain De Jesus ay 69 kilos.
Kung magagawa niya itong 50 kilos na lamang sa loob ng limang buwan at tiyak na magkakaroon siya ng Php10,000! Lumagda naman bilang saksi si Annalaine De Jesus. Marami ang natuwa sa ginawang ito ng ama dahil tiyak na mas gaganahan ang kaniyang anak na magbawas ng timbang.
Batid naman natin na wala nang pinipiling edad ang mga sakit at karamdaman. Marami ang nasasawi ngayon nang dahil lamang sa naging pagpapabaya nila sa kanilang kalusugan at pangangatawan.
Marahil kung mas paglalaan natin ng oras at kung mas magiging determinado tayong maging malusog ay magagawa natin ito hindi lamang para sa ating sarili kundi para na rin sa ating pamilya. Gaano man kasarap ang mga pagkaing nakahain sa ating mga hapag-kainan, hindi natin dapat kalimutang ang lahat ng sobra ay nakasasama.
Maaari naman nating matikman ang lahat ng pagkaing gusto natin ngunit dapat ay nasa tamang dami lamang. Maliban dito ay dapat din nating gawing bahagi na ng ating buhay ang pag-eehersisyo araw-araw.
0 Comments