Ang pamilya ang nagsisilbing pundasyon ng isang kabataan sa kaniyang paglaki at pag-abot ng kaniyang mga pangarap. Ang kaniyang mga magulang ang kaniyang idolo sa maraming mga bagay.
Ngunit aminin man natin o hindi, maraming mga pamilya sa ngayon ang hindi katulad ng mga pamilyang mayroon tayo. Hindi lahat ng mga kabataan ay nakaranas na magkaroon ng masaya at kumpletong pamilya o maging maginhawang buhay.
Para sa iilan ay kinakailangan nilang magsakripisyo para lamang matupad ang kanilang mga pangarap sa buhay. Isa na marahil sa mga ito si Justin Jay Malarasta na bunso sa anim na magkakapatid.
Ayon sa kaniyang kwento ay musmos pa lamang siya noon nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang dahil sa nagmahal ng ibang babae ang kaniyang ama at iniwanan ang kanilang pamilya. Talagang nahirapan ang kanilang ina para lamang maitaguyod at masuportahan silang magkakapatid ngunit hindi ito naging dahilan upang sumuko ang kanilang magulang.
Matindi ang pagpapahalaga ng kanilang ina sa edukasyon nilang magkakapatid kung kaya naman kahit imposible para sa kaniyang mapagtapos silang anim sa kolehiyo ay hinikayat pa rin silang mag-aral ng mabuti para sa kanilang kinabukasan. Pinayuhan din sila ng kanilang ina na huminto muna sa kolehiyo at hayaan munang magtapos ang isa sa mga nakatatanda nilang kapatid upang makatulong siya sa pagpapaaral naman ng nakababatang kapatid nila.
Inalala pa noon ni Justin na hindi siya kaagad nag-entrance exam sa ilang mga unibersidad nang makatapos siya ng hayskul dahil sa kinailangan niyang magparaya sa kaniyang Kuya Wendell na magtatapos na noon ng kursong BS Criminology. Matapos nito ay 3 taon pa siyang nahinto sa pag-aaral dahil sa mayroon pa siyang kapatid na nag-aaral ng mga panahon na iyon kung kaya naman pinili na lamang niyang maghanap-buhay.
Sa naging pagtatapos ni Justin ay pinasalamatan at binigyang-pugay niya ang kaniyang ina at mga kapatid dahil sa suporta at pagtitiwala nila sa kaniya. Nakapagtapos siya bilang isang “Magna cum laude” at “Valedictorian” sa Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), Cavite Campus.
0 Comments