Upang maging mabili at talagang tangkilikin ng husto ng mga tao ang isang produkto, kinakailangang makaisip ang kompanya nito ng isang epektibong pamamaraan kung paano nga ba ito bibilhin ng publiko. Dito na pumapasok ang maraming mga istratehiya ng mga kompanya upang tangkilikn sila ng maraming mga tao kahit pa mahigpit ang kompetensiya.
Ngunit isa na marahil sa pinakaepektibong pamamaraan upang makahakot ng mga parokyano ay ang pagkakaroon ng mga papremyo. Halimbawa na lamang ang ginawang ito ng isang sikat na softdrinks brand noong taong 1992 kung saan maaaring maging milyonaryo ang taong makakakuha ng tansan na mayroong numero o kombinasyon na 349.
Sa kasamaang palad ay marami palang tansan na mayroong numerong 349 ang nagawa ng kompanya ng softdrinks na ito, halos 800,000 ang bilang, dahilan upang dumugin sila ng mga tao na diumano’y nagwagi at kuhanin sa kanila ang dapat sana ay milyong piso pera na napanalunan ng mga ito. Hindi kinaya ng kompanyang bayaran ang mga taong nakakuha ng mga tansang mayroong 349 kung kaya naman naharap sila sa maraming mga kaso.
Halagang Php500 na lamang din ang naging pampalubag-loob nila para sa maraming mga taong nakakuha ng mga tansang 349. Ang mga tansan na ito ay ibinahagi sa publiko ng netizen na si “Thor Reyes” sa Facebook page na “Memories of Old Manila.”
Talaga namang inulan ng komento at reaksyon mula sa publiko ang post na ito. Isa ito sa hindi malilimutang sandali ng maraming mga Pilipino na umasang magkakaroon na sila ng bagong buhay.
Mayroon itong caption na: “Anong mga prizes ba ang ‘surprise’ ninyong nakukuha sa ilalim ng tansan ng mga softdrinks na iniinom ninyo noon? Usong-uso pa kasi noong araw ang mga ‘promo’ na mga pa-premyo sa ilalim ng tansan. Ako nga eh, isang milyon na sana… naging bato pa.”
Marami ang nadismaya, nagalit, at talaga namang nalungkot dahil sa kontrobersiyal na isyung ito. Kahit pa nga ilang taon na ang nakaraan ay tila sariwa pa rin ang alaala na ito sa puso at isipan ng maraming mgaa Pilipino.
0 Comments