Naging usap-usapan ng maraming mga tao sa buong mundo ang imbensyon na ito ng isang 9 na taong gulang na Malaysian. Nagkaroon kasi ng Lunar Loo Challenge 2020 ang National Aeronautics and Space Administration’s (NASA), marami ang nagbakasakaling masungkit ang karangalan.
At ang tinanghal ngang panalo sa Junior category ay walang iba kundi si Zyson Kang Zy Sun. Ayon sa New Strait Times ang imbensyon ni Kang na “Spacesuit Lunar Toilet” ay maaaring ilagay mismo sa loob ng spacesuit ng isang astronaut at tiyak na gagana sa pamamagitan ng “microgravity” sa space na magsisilbing “vacuum” na siyang sisipsip ng likido.
Ang kailangan lamang gawin ng mga astronaut na ito ay igalaw ang kanilang binti upang mapindot ang “syringe” na nasa loob ng boots. Ito ang magsisilbing pwersa para sa dumi ng tao na mapunta mismo sa isang lalagyan. Ang 43-taong gulang na si Chong Soo Sheong ang nagsilbing coach ni Kang sa I Discovery World Science Centre sa Shah Alam.
“Zyson has a knack for inventions. He is an avid reader with an extremely curious mind. Science simply excites him, especially astronomy,” Pahayag ni Chong.
Ayon kay Chong ay Hunyo pa lamang nang simulan ni Kang ang kaniyang proyekto. Agosto naman nang ipinasa na niya ito sa NASA team para sa evaluation nito. Oktubre 29 naman nang imbitahan si Kang ng NASA upang ipakita ang kaniyang imbensyon sa isang webinar.
At talaga namang namangha ang lahat sa pagiging simple ng imbensyon niyang ito. Hindi na kasi kailangan ng baterya o kuryente upang magamit ito simpleng paggalaw lamang ng binti at talaga namang gagana na ito.
Para sa siyam na taong gulang na si Kang, hindi lamang mga astronauts ang maaaring makagamit o makinabang dito dahil sa maaari din itong gamitin ng mga nars, doktor at iba pang mga healthcare professional lalo na ngayong panahon ng pandemya.
0 Comments