Isang matandang lalaki na naghahanap-buhay pa rin sa kabila ng kaniyang sakit, nakatanggap ng tulong mula sa mga netizens!





Isang netizen na nakilala bilang si Daryl Bontia ang nagbahagi ng nakakaantig na larawan ng isang matandang lalaki na mayroong mga panindang nakasabit sa kaniyang katawan. Mga biskwit, kendi, sigarilyo at marami pang iba.



Ayon sa caption ng netizen ay kapansin-pansin na mayroon ding iniindang karamdaman ang matanda kung kaya naman kinuhanan niya ito ng larawan at ibinahagi sa social media. Nagbakasakali siyang mayroong magpaabot ng tulong sa masipag na matanda.



Ayon pa sa kaniyang post, ang matandang ito pala ay ang 62 taong gulang na si Cirilo Almona na nakatira ngayon sa Rosario, Pasig City. Isang beses sa isang taon lamang sila nagkikita ng kaniyang misis na nagtatrabaho bilang isang kasambahay kung kaya naman nakikitira lamang siya sa kaniyang mga kaibigan.

Wala anak ang mag-asawa kung kaya naman sarili na lamang niya ang kaniyang binubuhay. Kinakailangan niyang magtinda upang kahit papaano ay mayroon siyang pambili ng kaniyang mga gamot dahil sa mayroon din siyang iniindang karamdaman.




Senior citizen na si Tatay Cirilo ngunit hindi ito naging hadlang upang lumabas siya at maghanap-buhay sa gitna ng pandemya. Para sa kaniya ay mas gusto niyang maghanap-buhay kaysa naman marinig niya mula sa ibang tao na hindi dapat namamalimos ang mga taong malakas pa.

Dahil sa post na ito ni Daryl ay marami ang nagnais magpaabot ng tulong sa matanda. Mayroong mga nagpadala ng kaunting halaga upang kahit papaano ay makabili siya ng pagkain at ilan pang mga pangangailangan niya.




Talaga namang labis ang pasasalamat ni Daryl dahil sa mga taong nagpaabot ng tulong para sa matanda. Hindi rin naman mailarawan ang kagalakan at labis na pagpapasalamat ni Tatay Cirilo sa mga taong tumulong sa kaniya.

Tunay nga na sa gitna ng pandemya ay marami pa ring mga taong nagnanais na tumulong sa kanilang kapwa sa abot ng kanilang makakaya. Maliit mang tulong ay talagang mahalaga pa rin para sa mga taong walang wala sa buhay tulad na lamang ni Tatay Cirilo.





Post a Comment

0 Comments