Isa na marahil sa pinakamahirap na pagsubok na ating naranasan nang mga nagdaang buwan ay ang pagpasok ng pandemya sa ating bansa. Dahilan upang matakot at mangamba ang publiko para sa kanilang kaligtasan at sa kaligtasan ng kanilang mga pamilya.
Maraming mga establisyemento at negosyo rin ang kinailangang magsara dahil sa wala na silang kinikita at wala na silang pambayad pa sa kanilang mga empleyado at iba pang mga gastusin. Maging ang sektor ng edukasyon ay labis ding naapektuhan dahil sa hanggang ngayon ay sarado pa rin ang maraming mga paaralan sa bansa.
Ilang buwan na rin nating sinusubukan ang “module-based learning” ng mga kabataan sa halip na “face-to-face classes”. Sa paraang ito ay mas mababawasan ang tyansang magkahawahan at lalo pang lumaganap ang sakit na COVID-19 lalo na at wala pa ring lunas ang karamdamang ito.
Dahil dito ay maraming mga kabataan ang nalungkot at nawalan ng pag-asa dahil kahit gustuhin man nilang mag-aral kung wala naman silang “internet connection”, gadget tulad ng PC, laptop o kahit cellphone lamang ay talagang mahihirapan sila ng husto. Mayroon din namang mga modyul na ipinapamigay ang pamahalaan upang magamit ng mga batang estudyante kung ang problema naman ay hindi lahat ng kanilang mga magulang ay marunong bumasa at sumulat.
Tulad na lamang ng ilang mga residente sa Surigao del Norte. Maraming mga magulang at mga kabataan ang labis na namomroblema dahil sa hindi nila alam ang dapat nilang gawin upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga kabataan dito.
Buti na lamang at handang tumulong ang ilang mga sundalo mula sa Surigao del Norte 2nd Mobile Force Company. Hindi lamang mga bata ang tinuturan ng mga sundalong ito dahil sa maging ang kanilang mga magulang ay ginagabayan din nila upang sila na mismno ang makapagturo sa kanilang mga anak.
Maraming mga netizens ang talagang sumaludo at humanga sa pambihirang kagitingan ng mga sundalo nating ito na nagtuturo at gumabagay sa ating mga batang mag-aaral sa gitna ng pandemya.
0 Comments