Hindi madali ang mga pagsubok na ating kinakaharap sa araw-araw. Hindi kailan man naging biro ang mga sakripisyo at paghihirap na kailangan nating pagdaanan upang makamit lamang ang mga pangarap natin sa buhay.
Isang napakagandang halimbawa na nga si Jonny Viray na ngayon ay isa nang ganap na “Doctor of Education” ibinahagi niya ang nakakamangha niyang kwento sa DepEd Open Educational Resources (OER), isang group sa social media platform na Facebook. Lumaki siya sa isang mahirap na pamilya. Hindi tulad ng ilan niyang mga kamag-aral at kaibigan ay hindi nila naranasang magdiwang ng kaarawan o kahit “graduation” dahil wala naman silang pambili ng mga espesyal na pagkain.
Kahit nga pansit ay hindi sila nakakapaghanda noon. Nakapagtapos siya sa hayskul bilang isang “Salutatorian” ngunit hindi rin naghanda at nagdiwang ang kaniyang pamilya.
Buti na lamang ay mayroon siyang isang kaklaseng naghanda kung kaya naman doon na lamang siya nakikain at nakisaya. Noong nasa elementarya pa lamang siya ay madalas na lugaw lamang ang kaya niyang bilhin sa Php2 na baon niya.
Ngunit nang tumuntong na siya ng hayskul ay mas naging mahirap para sa kaniya ang lahat dahil talagang walang wala silang pera at pagkain. Sinikap ng kaniyang ama na mapag-aral silang magkakapatid sa isang pribadong paaralan kahit hirap sa buhay.
Tuwing buwan ay kailangan nilang makabayad ng halagang Php244. Hindi ito gaano kalaking halaga ngunit para sa pamilya nila noon ay napakalaking bagay na nito.
Dahil dito ay madalas bawas o wala talaga silang pangbili ng pagkain. Dahilan upang mahimatay sa gutom si Jonny. Gusto na niyang sumuko ng tuluyan ngunit tumatak sa kaniya ang mga salita ng kaniyang guro sa Filipino na si Mrs. Juliet “Jhet” Jimenez.
“Kung titigil ka kase gutom ka, lalo kang magugutom bukas kung hindi ka mag-aaral; may pag-asa pa,” pahayag niya.
Kalaunan ay nakapagtrabaho siya bilang isang kargador sa pantalan. Nalungkot siya sa tuwing nakikita ang mga kaklase niyang nakapagpatuloy ng pagkokolehiyo.
Nang magkita ang kaniyang ina at dati niyang guro sa Economics na si Ms. Mafalda L. Manansala ay inimbitahan niya itong maging isang working student. Nagsumikap siya ng husto hanggang sa makapagtapos siya ng kaniyang kursong Education bilang Magna Cum Laude.
Kumuha siya ng “Master of Arts in Education Major in Educational Management” sa Don Honorio Ventura Technological State University. At kinumpleto ang kaniyang “Doctor of Education” at sa ngayon ay isa na siyang ganap na Doktor ng edukasyon!
0 Comments