Tayong mga Pilipino ay maraming mga magagandang kaugalian na talaga namang hinahangaan ng maraming mga dayuhan. Halimbawa na lamang ang pagiging magiliw sa ating mga bisita na kahit mga kasangkapan na pinakatatago-tago ng ating mga nanay ay ipapagamit pa sa kanila dahil sa importante sa atin ang mapagsilbihan sila ng mabuti sa kanilang pagdalaw.
Likas din tayong mga masayahin, kahit pa nga napakarami nang mga lunos at kalamidad ang dumating sa ating buhay ay tiyak na magkakaroon at magkakaroon tayo ng pag-asang bumangon muli at maging positibo sa buhay. Ngunit hindi rin naman mawala ang hindi magagandang katangian natin tulad na lamang ng ugaling “ningas kugon” na sa una lamang nagpapakitang-gilas ngunit kalaunan ay mawawalan na rin ng gana o tatamarin na rin.
Mayroon din tayong kaugalian na “crab mentality” kung tawagin kung saan madalas ay hinahatak pa nating pababa ang kapwa natin sa tuwing nagtatagumpay ito sa buhay. Ito marahil ang naging karanasan ng netizen na si “Dianne Encinas I”.
Ayon sa naging post niya sa kaniyang social media account ay nakatanggap siya ng “promotion” sa kaniyang trabaho. Binati siya ng dati niyang boss ngunit tila mayroon itong kasamang panlalait dahil sa mga salita nitong “Na-promote ka pala?
Hindi na ba bisaya ang accent mo? [Laughter emoji]” Magalang naman itong sinagot ng netizen na nagsabing “Opo TL…”
Hindi pa doon natapos ang panghahamak ng itinuring niyang mentor noon dahil sa nagmensahe pa ito sa kaniya at sinabing: “Nice. Hindi ka naman magaling noon e. Bisaya ka pa pero congrats pa din. A friendly reminder dear, galingan mo kasi may evaluation yan every month.”
Tunay ngang naging masakit ito para sa netizen dahil minsan na niyang nirespeto at ginalang ang kaniyang boss at talagang tinitingala niya ito bilang isang mentor. Ngunit nakakalungkot isipin na ganoon pala ang tingin nito sa kaniya noon.
Maaaring mayroon tayong mga hindi gusto sa isang tao, pag-uugali man yan o mga interes niya sa buhay ngunit hindi naman ibig sabihin nito ay lisensiyado na tayong manakit ng iba sa pamamagitan ng pangmamaliit at panghahamak sa kanila. Nawa ay magsilbi itong aral na hindi lahat ng nais nating sabihin sa ating kapwa at katanggap-tanggap lalo na kung pulos inggit at pamamahiya lamang ang lalabas sa ating bibig.
0 Comments