Marami ang nagsasabing hindi tunay na kaibigan ang turing mo sa isang tao kung hindi mo kabisado ang araw ng kaniyang kapanganakan. Tila ba sukatan na ito ng tunay na pagkakaibigan ng marami sa atin kahit pa nga sabihing pabiro lamang ito sa iilan sa atin.
Marahil ay magtatampo ka talaga kung ang iyong kaibigan ay nakalimutan ang iyong kaarawan. Kung kaya naman hindi na rin nakapagtatakang maraming mga Pilipino ang kaniya-kaniya ng pamamaraan maparamdam lamang sa kanilang kaibigan o kapamilya na naalala nila ang kanilang espesyal na araw.
Marami ang nagpopost ng mensahe sa kanilang mga social media account habang ang iba naman ay nagpapadala ng mga bulaklak at iba pang mga regalo. Ngunit kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa social media ang ginawa ng isang netizen na pagbati para sa kaniyang kaibigan.
Ang natural viral post ay mula sa netizen na si John Ryan Pechay. Nilagyan niya ito ng caption na: “Napakabasic naman ng mga greetings sayo parang hindi ka mahal. Happy Birthday!”
Nilakipan niya ng ilang mga larawan ang post niyang ito kung saan makikita ang larawan ng isang ababae na tila ba katulad ng mga nakapaskil na larawan ng mga “Wanted” o “Missing person”. Mayroong nakalagay na “Happy Birthday” at petsang October 30, 2020 ang mga larawan na nakadikit sa ilang mga poste, kariton, tindahan, “barangay patrol”, “computer shop”, pader, sasakyan, kainan at sa iba pang mga lugar.
Talaga namang inulan ito ng komento at reaksyon mula sa publiko. Marami ang ikinatuwa ang kakaibang pagbati na ito mula sa netizen habang mayroon namang iilan na nagtatanong kung eleksyon na ba dahil sa hitsura ng mga “posters” na ito.
Para naman sa ilang mga netizen ay talagang kakaiba at napaka-witty ng ganitong pagbati mula sa isang kaibigan. Talaga namang mapapasana-all ka na lang dahil hindi naman lahat ay mayroong isang kaibigan na maglalaan ng oras upang batiin ka sa ganitong klase ng pamamaraan.
0 Comments