Napakahirap ng pinagdaanan natin nitong mga nagdaang buwan dahil na rin sa pandemya. Marami sa atin ang nawalan ng trabaho at talagang nagtiis sa kung anong makakayanan ng natira nating ipon. Ngunit lingid sa ating kaalaman ay marami pa ding mas hirap sa atin at talagang mas nagtitiis lalo na yaong mga taong naulila na o di kaya naman ay ang mga taong pinabayaan ng kanilang mga magulang. Tulad na lamang ng magkakapatid na ito na talagang dumaranas ng paghihirap sa kanilang kasalukuyang sitwasyon.
Kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa social media ng post na ito ng isang netizen na nagngangalang Jopay De Guia. Ibinahagi niya ang ilang mga larawan ng mga magkakapatid na ito na pinagsasaluhan ang niyog at toyo na nakahain sa kanilang harapan.
Ayon sa naging pahayag ni Jopay ay ulila na ang mga batang ito dahil sa pumanaw na nito lamang Agosto ang kanilang ama habang sumama naman sa ibang lalaki ang kanilang ina. Ang nakatatanda nilang kapatid ang siyang naghahanap-buhay para sa pangkain nila sa araw-araw.
Pumapalaot na ito sa dagat sa murang edad para lamang mayroon silang makain na magkakapatid. Tunay ngang napakahirap ng kanilang kalagayan dahil kung hindi niyog at toyo ang kanilang pagkain ay asin naman ang kanilang inuulam.
Madalas ding wala silang kinakain at pinalipas na lamang ang maghapon na kumakalam ang kanilang sikmura. Humingi ng tulong si Jopay dahil sa hindi nagiging sapat sa magkakapatid ang kakaunting tulong ng kanilang mga kapitbahay para sa kanila.
Talaga namang umantig sa puso ng publiko ang napakahirap na sitwasyong ito ng magkakapatid. Marami ang nagkomento at nagpahayag ng kanilang mga reaksyon sa naturang post. Mayroon din namang iilan na nagnanais tumulong sa magkapatid dahil maging sila noon ay naranasan ding magtiis sa kung anong pagkain ang mayroon sila sa kanilang hapag-kainan.
Marami din ang nag-tag sa mga pribadong tao at programa upang kahit papaano ay agarang mabigyan ng tulong ang magkakapatid hindi lamang pagkain kundi maging ang pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral para na rin sa kanilang kinabukasan.
0 Comments