Tindera ng gulay nagsauli ng Php2.7 milyong piso na aksidenteng naiwan ng isang estranghero!




Kung sakaling dumating ang pagkakataon na nakapulot ka ng isang bag o isang lalagyan na mayroong laman na limpak-limpak na salapi. Ano ang unang papasok sa iyong isipan?

Ano ang una mong gagawin? Marahil dahil sa pandemyang kinakaharap natin ngayon at dahil na rin sa matinding kahirapan ay mas marami sa atin ang pipiliin na itabi na lamang at gamitin ang pera sa personal nating pangangailangan.



Ngunit mayroon pa rin namang mga tao na mayroong matinding paninindigan lalo na sa mga bagay na labis nilang pinahahalagahan. Tulad na lamang ng isang tinderang ito ng Ilocos Norte.



Nagsauli kasi siya ng tumataginting na Php2.7 milyong piso sa isang estranghero. Ayon sa ilang mga ulat, ang matapat na tindera ay si Alice Baguitan na nagtitinda ng gulay sa Laoag, Ilocos Norte.



Isang araw ay kumakain siya sa isang fast-food chain kung saan mayroon siyang nakatabing babae na mayroong dala-dalang malaking bag. Hindi niya ito pinansin dahil sa ang nais lamang niya talaga ay kumain ng mga oras na iyon.


Maya-maya pa ay agad namang umalis ang babae dahil sa isang “emergency”. Nang natapos nang kumain si Alice ay napansin niyang naiwanan pala ng babae ang bag nito sa kaniyang paanan.




Dahil sa likas na matulungin ay agad niyang isinauli ang bag na ito sa may-ari. Hindi naman makapaniwala ang may-ari na maisasauli pa sa kaniya ang naiwanan niyang pera.

Labis labis ang pasasalamat niya kay Alice dahil sa kabutihang-loob at pagiging matapat nito. Ayon naman sa naging pahayag ni Alice ay hindi niya alam na mayroon palang malaking laman ang bag na kaniyang natagpuan.


Ngunit masayang-masaya siyang maibalik sa may-ari ang pag-aari nitong bag at pera. Nais siyang bigyan ng gantimpala ng ginang ngunit tumanggi si Alice. Para sa kaniya, ginawa lamang niya ang tama at kung mayroon pang magbibigay sa kaniya ng gantimpala ay tiyak na Diyos na ang bahala sa kaniya.





Post a Comment

0 Comments