Maraming mga bansa sa iba’t-ibang panig ng mundo ang may kaniya-kaniyang pamamaraan kung paano maaalagaan ang kanilang mga maliliit na mga anak. Halimbawa na lamang sa Pilipinas, tipikal na nating nakikita ang mga lolo at lola ang siyang nag-aalaga sa kanilang mga apo habang ang mga magulang ay naghahanap-buhay.
Sa ibang mga bansa naman sa ibang panig ng mundo ay mayroong tinatawag na “Daycare Center” kung saan maaaring iwanan at ipagkatiwala ng mga magulang ang kanilang mga anak habang sila ay nagtatrabaho. Tunay nga na may kaniya-kaniya tayong solusyon sa bawat problemang ating kinahaharap.
Tulad na lamang ng isang ama na ito mula sa Palawan. Kinailangan niya kasing alagaan ang kaniyang maliit na anak dahil sa ang kaniyang asawa ay abala sa pag-aasikaso sa isa pa nilang anak.
Marami ang talagang namangha sa kaniya dahil sa nagawa niyang tiisin ang mahirap na sitwasyon na nagtatrabaho siya at nag-aalaga ng kaniyang anak. Sa kabilang banda, marami ding hindi natuwa sa pangyayari na ito dahil sa tiyak na kapahamakan lamang daw ang maaaring maidulot ng lugar na ito sa isang musmos na bata.
Hindi rin naman natin masasabi kung kailan at paano mangyayari ang isang aksidente. Ang tatay na ito sa larawan ay nakilala sa pangalang Vinz Manalo Bobo na nagtatrabaho bilang kusinero sa Palawan Adventist Hospital sa Puerto Princesa, Palawan.
“‘Kapit lang anak ko… Kailangan lang talaga magtrabaho ng papa mo para my pambili ng gatas mo. #backride #joyride #inspired,” Pagbabahagi ni Vinz sa kaniyang social media post.
Ayon sa ilang mga ulat ay ipinaliwanag niya na ang kaniyang asawa ay kinailangang dalhin ang isa pa nilang anak sa klinika kung kaya naman napagdesisyunan nilang dalhin na lang niya sa kaniyang trabaho ang isa pa nilang anak.
Tunay nga na hindi naging madali para sa kanila ang ganitong pagdedesisyon dahil alam din naman nila ang panganib o kapahamakan na kakaharapin nila ano man ang mangyari. Ngunit higit sa lahat talagang nangibabaw pa rin ang pagmamahal ng mga magulang na ito para sa kanilang mga anak.
0 Comments