Hindi lamang magagandang tanawin at pasyalan ang maaaring matagpuan sa Pilipinas. Maliban kasi sa mga magigiliw at masayahing mga Pilipino ay napakarami din nating mga masasarap na pagkain na talaga namang hindi natin malilimutan.
Kahit na napakarami nang mga kakaiba at masasarap na pagkain ngayon mula sa mga dayuhang bansa, wala pa rin talagang makapapantay sa nakasanayan nating pagkain tulad na lamang ng “nilupak”. Kamakailan lamang ay ibinahagi ng Facebook page na “Memories of Old Manila & Beyond” ang ilang mga larawan ng napakasarap na pagkaing ito.
Ang “nilupak” ay isang tradisyonal na pagkaing Pinoy na gawa sa nilamas o dinurog na pagkain na mayroong kasamang gata at asukal. Madalas ay iba-iba ang hugis na pinagmomoldehan ng mga ito at inilalagay sa dahon ng saging na mayroong kinayod na niyog, mani, keso, mantikilya o di kaya naman ay margarine.
Maliban sa “nilupak” ay kilala din ito bilang “Linubian” o “Lubilubi” sa Ilocos. Ayon sa ilang mga netizens ay madalas nila itong natitikman sa mga probinsiya noon kung saan mayroong pagtitipon.
Ang mga kababaihan ang naghahalo ng mga sangkap habang ang mga kalalakihan naman ang magdudurog o magbabayo ng “nilupak”. Mayroon ding ilang mga netizens na hindi naiwasang balikan ang kanilang kabataan dahil sa madalas nila itong inihahanda kasama ang kanilang mga kaibigan at pagkatapos ay tatambay sila sa ilalim ng mga buwan at bituin habang nagkukwentuhan.
Talaga namang napakaraming alaala ang dulot ng pagkaing ito sa atin. Marami nang mga nagsulputang fast food chain sa buong bansa ngunit talagang wala pa ring makahihigit sa mga pagkain na ito na hindi lamang hinubog ng panahon kundi mas pinasarap pa ng pagkakaibigan at pagmamahal ng bawat isa.
Sana kahit moderno na ang ating pamumuhay ay mayroon pa ring mga taong magpatuloy ng “recipe” na ito nating mga Pilipino, ang nilupak na talagang napakasarap at gawa ng buong pagmamahal!
0 Comments