Kamakailan lamang ay ipinahayag ng Pambansang Kamao, Senador Manny Pacquiao na umaasa siyang lalaki ang kaniyang mga anak na mapagpakumbaba at mabuting mga indibidwal. Sa kabila ng tagumpay na nakamit ni Senador Manny kasama ang kaniyang pamilya ay nais pa rin niyang kahit papaano ay maranasan ng anak nila ng misis niyang si Jinkee Pacquiao ang paghihirap sa buhay upang hindi sila maging matapobre.
Kahit na marami silang mga kasambahay sa kanilang mansyon ay sinisigurado nilang marunong sa gawaing bahay ang kanilang mga anak.
“Tinuturuan namin sila ng mga gawaing bahay, ‘yung mga ginagawa ng mga naghihirap na tao.” Pahayag ni Senador Manny.
Ibinahagi din ng mag-asawa sa publiko ang naging desisyon nila noon na pabalikin ang kanilang mga anak sa General Santos City upang doon sila magpatuloy ng kanilang pag-aaral. Ginawa nila ito upang matuto silang mamuhay ng simple doon at maranasan nilang mag-aral ng walang air conditioning unit sa kanilang silid-aralan sa loob ng halos dalawang taon.
Para kay Senador Manny ay nais niyang mamulat ang kaniyang mga anak na ang buhay ay hindi puro sarap lamang kundi kailangan din nilang malaman at maranasan ang hirap na naging buhay noon ng kanilang mga magulang bago pa man maging sikat sa larangan ng pagboboksing ang kanilang ama.
“Gusto ko kasi talaga na ma-experience nila, ma-realize nila na ang buhay ay hindi lang puro sarap dahil yung kinagisnan nila masarap na, e. Pero yung pinagdaanan namin, gusto ko ma-realize nila para pagdating ng araw, hindi sila matapobre. Gusto namin sila maging compassionate and helpful to others. ‘Yan ang gusto ko sa kanila,” Komento pa ni Senador Manny.
Malaki din ang pasasalamat niya sa Diyos dahil sa lumaki namang mababait ang kanilang mga anak, mayroong respeto at marunong sumunod sa kanilang mga magulang. Tunay nga na tama ang naging pagpapalaki nila sa kanilang mga anak.
0 Comments