Akala natin na sa pelikula lang natin mapapanuod ang mga nakakakabang eksena kung saan mayroong pasahero na nanganganib ang buhay at kailangan ang agarang tulong. Nangyayari din pala talaga ito sa tunay na buhay.
Kamakailan lamang ay marami ang humanga sa Pinoy nursing student na ito matapos niyang tulungan ang isang pasahero ng sinasakyan niyang eroplano. Ayon sa isang social media post na ibinahagi mismo ni James Vincent Sayson, ang nursing student na siya mismong tumulong sa pasyente.
Siya ay nag-aaral sa St. Luke’s College of Nursing Trinity of Asia. Ayon sa kaniyang pagsasalaysay, nakita raw ng isang flight attendant ang isa sa mga pasahero na wala nang malay.
Wala na raw itong lakas kahit pa ang sumagot lamang sa FA. Di nagtagal at kaagad ding nawalan ng malay ang naturang pasahero.
Hindi na nag-aksaya pa ng panahon ang mga FA at nagtanong kung mayroon bang doktor sa eroplano ngunit wala silang nakuhang sagot. Nang walang tumayong doktor ay doon na lamang nagpresinta ang nursing student na si James.
Bagamat kinakabahan siya dahil sa siya ay estudyante pa lamang, nilakas niya ang kaniyang loob upang matulungan ang pasyente.
“Inantay ko po na may mag respond bago po sa akin pero dahil po nakita ko na talagang kailangan po ng tulong ng pasahero, kahit po estudyante lang ako, may maitutulong ako, umaksyon po ako agad,” Pahayag ni James.
Nang masuri na niya ang Indianong pasahero ay napag-alaman niyang mayroon pala itong kondisyon na “Hypoglycemia” o iyong kondisyon na kung saan ay mas mababa pa sa normal ang blood sugar o glucose sa katawan ng isang tao. Dahil dito ay agad niyang sinabihan ang FA na bigyan ng candy, soda, o juice ang pasyente upang madagdagan ang kaniyang blood sugar level.
Binantayan ni James ang blood pressure at iba pang vital signs nito hanggang sa makarating sila sa Canada. Umani ng maraming mga papuri ang ginawa niyang ito na talagang isang uri ng kabayanihan.
0 Comments