Marahil hati ang opinyon ng maraming mga tao tungkol sa swerte. Para sa ibang tao, kung ipinanganak kang swerte ay talagang hahabulin ka nito hanggang sa iyong pagtanda.
Maaabunan din ng swerte ang iyong pamilya at mga kaibigan. Habang ang ilan naman ay hindi naniniwala sa swerte dahil sa mas naniniwala sila sa biyaya at pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos sa kanilang buhay.
Sa hirap nang buhay natin ngayon na sinabayan pa ng pandemya at kawalan ng trabaho ng marami ay talaga namang mawawalan na ng pag-asa ang kahit sino. Ngunit ang mga Pilipino ay likas na matatag at positibo sa buhay kung kaya naman hanggang mayroon pa tayong makakapitan ay kakapit at kakapit tayo ng maghigpit.
Tulad na lamang ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Remedios Bombon na nagtatrabaho sa United Arab Emirates at doon na nga naabutan ng pandemya. Ayon sa kaniyang ibinahaging kwento ay “housekeeper” at “bus attendant” ang kaniyang unang naging mga trabaho.
Ngunit hindi niya inaasahang biglang magpapatupad ng lockdown sa kanilang lugar dahilan upang mawalan siya ng trabaho dahil sa pagsasara ng kanilang kompanya. Dahil sa ilang araw na rin ang nakalilipas at alagang wala na siyang maisip na iba pang paraan upang magkaroon ng pera ay napagdesisyunan na niyang itaya sa lotto ang natitira niyang pera na AED60.
Dalangin niya na kahit apat na mga numero lamang sana ay kaniyang mapanalunan ngunit labis siyang nagulat nang malaman niyang limang numero niya ang tumama sa lotto. Ang jackpot prize na kaniyang napanalunan ay AED333,333 o halos nasa Php4.5 milyong piso!
Sa wakas ay mayroon na siyang pampagawa ng kanilang bahay sa Pilipinas, panimula sa pinaplano niyang negosyo at pangsuporta sa kaniyang asawa na “bedridden”. Hindi niya napigilang maging emosyonal at maiyak sa pangyayaring ito dahil sa wakas ay hindi na siya mahihirapan pa at mababawasan na ang kaniyang mga dalahin at alalahanin sa buhay.
0 Comments