Isang senior citizen, nag-enroll at nagtapos ng junior high upang maging halimbawa sa kaniyang anak na nahihilig sa barkada!





Musmos pa lamang tayo nang tumatak sa ating isipan na ang edukasyon ang isa sa pinakamahalagang bagay na dapat nating pagtuunan ng pansin habang tayo ay lumalaki. Kapag kasi nagkaroon ka ng magandang edukasyon at nakapagtapos ka ay tiyak na aasenso ka sa buhay.



Palaging nakakahanap ng magandang trabaho ang mga nakapagtapos ng pag-aaral. Dahil sa magandang oportunidad na ito ay mas marami pa ang nabubuksan pinto sa kanila upang matupad ang kanilang mga pangarap at mas magtagumpay pa sa buhay.

Kamakailan lamang ay labis na hinangaan ng publiko ang senior citizen na ito mula sa Samar dahil sa kaniyang paglalakas-loob na muling bumalik sa eskwela. Siya ay si Lolo Merit Majerano mula sa Northern Samar.






Sa edad na 61 taong gulang ay talagang nag-aral siyang muli bilang isang junior high. Ginawa daw niya ito dahil nais niyang mahikayat ang kaniyang anak na 16 na taong gulang upang mag-aral ng mabuti.
Kung noon daw ay ang anak niya lamang ang kinukuha niya ng mga modules, ngayon maging siya ay nagmo-module na rin. Napagsasabay din niya ang pagsasaka at pagtatanim sa bukid sa pagsasagot niya sa kaniyang mga aralin.



Maraming mga guro din ang humanga kay Lolo Merit dahil sa pagnanais niyang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.

“Inapproach kami, sabi nya, Ma’am, magpapa enroll po ako… Ha?! Ikaw tay? Kaya mo? Opo Ma’am, kaya ko. Kaya ko pa po mag-module.” Pahayag ng guro na si Bb. Shayne Allegar Esponilla sa naging interview sa kanya ng GMA News.

Aminado din naman si Lolo Merit na nakakatanggap din siya ng mga pangungutya at panghuhusga mula sa ibang tao dahil sa kaniyang edad at pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit ayon sa kaniya, wala siyang dapat ikahiya sa kaniyang ginagawa dahil gusto niya talaga ito at pangarap niya ito noon pa man.

Nais din daw niyang maipakita sa kaniyang anak na teenager na mahalaga talaga ang edukasyon lalong-lalo na sa mga kabataan.





Post a Comment

0 Comments