Lalaking putol ang binti, nagtatrabaho pa rin sa kabila ng kapansanan niya para sa kaniyang pamilya!





Madalas tayong makarinig ng mga reklamo sa ating mga kaibigan, katrabaho, at iba pang mga kakilala tungkol sa kanilang mga trabaho. Sabi nga ng mga matatanda, kung mahal mo ang iyong trabaho, hindi ka na magtatrabaho pa kahit kailan.



Dahil sa araw-araw na magigising ka ay magiging masaya at kuntento ka sa iyong ginagawa at sa iyong trabaho. Ngunit lingid sa kaalaman natin ay marami din palang mga tao na kahit may kinakaharap na mabigat na suliranin sa buhay ay pinipili pa ring maging positibo at matatag sa buhay.



Tulad na lamang ni Zosimo Cabuong, 35 taong gulang, mula sa Pugeda St. Brgy. Kanluran, Rosario Cavite. Kilala siya sa kanilang lugar sa pangalang “Telepart”.




Taong 2014 nang siya ay maaksidente na naging dahilan upang maputulan siya ng isang binti. Naipit ang kaniyang paa sa bakal noong siya ay nagtatrabaho bilang isang pahinante sa truck ng basura sa Quezon City kung kaya naman pinutol na nang tuluyan ang kaniyang kaliwang paa.



Naging mahirap ang sitwasyon nilang ito dahil buntis pa ang kaniyang asawa ng mga panahong iyon kung kaya naman kinailangan niya talagang makaligtas. Nanalangin siya ng husto at talagang lumaban upang mabuhay.

Sa kalagayan ngayon ni Tepart ay kailangan niya pa ring magbanat ng buto para sa 6 na taong gulang niyang anak at sa kaniyang lola na si Lola Ligaya, 86 taong gulang na. Sa ngayon ay namamasada siya ng pedicab at naka-boundary.

Sa loob ng isang araw ay kumikita siya ng Php200 ngunit nakadepende pa rin ito sa dalas ng biyahe. Ang tanging pangarap lamang niya ngayon ay magkaroon siya ng “artificial” na paa o kaya naman ay isang electric bike na mayroong sidecar upang mas madali na para sa kaniya ang mamasada.

Tunay nga na napakaraming hirap at pagsubok sa buhay ang ating nararanasan sa buhay, ngunit bandang huli ay tayo pa rin naman ang magdedesisyon sa ating buhay.





Post a Comment

0 Comments