Nasanay na tayong mga Pilipino na ipagdiwang ang ating kaarawan, marami din sa atin ang talagang pinaghahandaan ng husto ang kaarawan ng ating mga mahal sa buhay. Mahalaga at espesyal kasi talaga ang araw ng kapanganakan para sa ating mga Pilipino.
Ngunit para kay Lolo Diego Veluz na mula pa sa Luisiana, Laguna ay mas nais pa niyang itulong na lamang sa mga taong nangangailangan ang pera na kaniyang magagastos dapat para sa kaniyang “birthday party”.
Para kasi sa ika-101 taong kaarawan niya ay nagpabili siya ng 20 sako ng bigas, mga tinapay, at mga tsokolate upang maipamahagi sa mga taong lubos na nangangailangan.
Ayon sa mga taong nakakakilala kay Lolo Diego, noon pa man ay talagang likas na itong matulungin. Noong kaniyang kabataan ay nagtatrabaho siya bilang isang magsasaka at kalaunan ay nagkaroon siya ng pagkakataon na makalipad patungong Amerika kung saan siya ay nakapagtrabaho hanggang sa edad na 90.
Naging U.S. citizen na siya at pensyonado kung kaya naman hindi rin siya hirap sa pera kahit na ngayon na siya ay isa nang sentenaryo. Nakapagpatayo din siya ng isang paaralan kung saan siya ay nagkaroon ng maraming mga iskolar.
Ayon pa kay Wyeth Apejas, principal ng Luisiana Adventist Elementary School, ay si Lolo Diego pa mismo ang nakakatulong sa kanila sa araw-araw dahil sa tuwing gigising ito ng maaga ay nakapaghahanda na ito kaagad ng kanilang almusal kung kaya naman sila raw ay kakain na lamang. Laking pasasalamat nila dahil napakabuti ni Lolo Diego at walang sawa itong tumutulong sa mga taong labis na nangangailangan.
Dagdag pa niya, hindi raw siya mapapagod na tumulong sa mga taong nangangailangan dahil batid niya na ito ang pinakamabuting gawin sa ngayon. Kailanman ay hindi raw magiging hadlang ang kaniyang edad sa pagnanais niyang ito na makatulong sa kaniyang kapwa.
At tiyak naman na palagi siyang pagpapalain ng Diyos dahil sa pagkakawang-gawa niyang ito.
0 Comments