PANOORIN! | Lalaking Grab Biker na Nahablutan ng Cellphone, Tinulungan ng Ilang Netizen



Isang lalaking delivery biker na nahablutan umano ng cellphone ang nabiyayaan higit pa sa nawala niyang cellphone.

Maraming netizen ang naantig sa isang Grab biker na nahuli-cam na hinablutan ng cellphone ng isang riding in tandem sa Maynila. Ang nawala niyang gamit ay napalitan at higit pa sa kaniyang inaasahan.

Ipinakita ang kuha sa CCTV nang hablutin ng riding in tandem ang cellphone na gamit ni Mark Anthony Tirados sa kaniyang trabaho bilang delivery biker.


Kuwento ni Tirados, nakatigil siya sa isang stop light sa Malate nang tabihan siya ng mga salarin na nakamotorsiklo.

Dahil tanghaling-tapat daw noon, kampante lang daw si Tirador at hindi niya inakalang gagawa ng kasamaan ang mga salarin.

Pero ilang saglit lang, sinikwat ng mga salarin ang kaniyang cellphone at mabilis na humarurot.

Dahil bisikleta lang ang dala, hindi na inabutan ni Tirados ang mga salarin.

Nahuli naman kinalaunan ang isa sa mga salarin pero hindi na naibalik ang kaniyang cellphone.

Labis daw ang sama ng loob ni Tirados nang mangyari ang insidente dahil pinoproblema na rin niya noon ang bayarin sa upa ng kaniyang tinitirhan at iba pang gastusin sa kanilang pangangailangan.

Iniisip daw niya noon kung saan kukuha ng pamalit sa nawala niyang cellphone na gamit sa paghahanapbuhay.


Nang mag-viral ang video ng insidente, maraming netizen umano ang nag-ambagan para makabili siya ng bagong cellphone.

Pero hindi lang cellphone ang napalitan dahil mayroon ding nagmagandang-loob na bigyan siya ng motorsiklo.

Kaya naman labis-labis ang pasasalamat ni Tirados sa kabutihan na kaniyang tinanggap mula sa mga netizen.

Samantala, tiniyak naman ng Manila Police District na pag-iibayuhin pa nila ang pagpapatrolya sa mga lansangan para labanan ang naglipanang kriminal.


Source: Noypi Ako

Post a Comment

0 Comments