Napa-cute ng isang tuta na ito sa Los Angeles. Maliban sa literal na napakaliit niya ay tila hindi na niya inalisan pa ng tingin ang dalawang pulis na ito na sina Mercado at Tavera ng LAPD.
Agad na tumakbo patungo kay Officer Mercado ang munting tuta na ito na kalaunan ay pinangalanan na niyang “Hobart”, ang lugar kung saan nila natagpuan ang palaboy na hayop. Kahit napakaliit ng tuta na ito ay napansin na agad ng dalawang pulis na ayaw nilang iwanan nito at talagang sumusunod siya sa kanila kahit saan man sila magpunta.
Tila mas nagustuhan din ni Hobart si Officer Mercado kung kaya naman panay ang sunod niya rito. Nais sanang iwanan na lamang ng dalawang pulis ang tuta na ito ngunit talagang naaawa at nag-aalala sila dahil tiyak na mapapahamak lamang ito sa lansangan.
Humingi ng pahintulot si Officer Mercado kay Officer Tavera kung maaari ba nilang isama si Hobart sa kanilang estasyon na agad namang sinang-ayunan ng huli. Habang nakasakay sila sa sasakyan ay tila ba masunuring bata si Hobart dahil talagang napakatahimik nito.
Mapapansin din sa nagungusap niyang mga mata na tila ba labis ang kaniyang pasasalamat at sa wakas ay nakaalis na siya sa nakakatakot na lugar kung saan siya inabandona ng kaniyang mga unang naging amo o tagapag-alaga. Natuklasan na nga ng dalawang mga pulis ang ginawang pag-aabandona kay Hobart kung kaya naman napagdesisyunan na lamang nilang dalhin sa isang “animal shelter” si Hobart kung saan maaari na siyang makatagpo ng bagong pamilya.
Agad namang naging viral ang kwentong ito ni Hobart at napansin ng mga netizens na talagang malapit siya kay Officer Mercado noong simula pa lamang. Kung kaya naman marami sa kanila ang nagmungkahi na siya na lamang ang umampon kay Hobart.
Isang napakagandang ideya naman nito para sa pulis kung kaya naman agad na niyang inampon ang tuta at itinuring na isang tunay na kapamilya.
0 Comments