Dahil sa pandemyang patuloy pa rin nating nararanasan sa ngayon, marami tayong mga nakaugalian na hindi na natin nagagawa pa sa ngayon. Halimbawa na lamang ay ang pagmamano sa matatanda na sumisimbolo sa ating pagrespeto sa kanila.
Gayundin naman ang nakagisnang pagyayakapan ng mga magkakaibigan at magkakamag-anak. Marami pa rin naman tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Hindi lamang ang pagiging ligtas natin sa ano mang uri ng sakit at karamdaman kundi maging sa buhay at kalakasan ang ating mga mahal sa buhay.
Marami man ang nawalan ng trabaho sa atin ay marami pa rin naman ang agad na nakahanap ng ibang paraan upang kumita ng pera para sa kanilang pamilya. Nakakalungkot man na marami tayong hindi maaaring gawin bilang pagdiriwang sa Kapaskuhan ngayon ay nagagawa pa rin nating maging positibo at matatag sa buhay.
Sa katunayan nga ay kinagigiliwan ngayon ng publiko ang asong ito, isang Asong Pinoy na tila ba napakasigasig talagang magsimba. Nakasanayan na rin kasi nating mga Pilipino ang magsimba ilang araw bago sumapit ang Kapaskuhan.
Ngunit maliban pala sa ating mga Pilipino ay mayroon ding mga hayop na nagsisimba! Tulad na lamang ng isang aso na ito na nagsisimbang gabi.
Maraming mga netizens ang nakapansin sa ibinahaging larawan ng netizen na si Maria Dayde Laude mula sa Ormoc City. Sa tuwing magsisimbang gabi kasi sila ay palagi niyang napapansin ang asong si Bukoy na nasa kalagitnaan pa ng daan ng simbahan at tahimik na naghihintay sa pagdating ng pari.
Nakikinig din siya ng mabuti sa sermon ng pari na animo’y isang tao talaga. Ang asong si Bukoy ay aso pala ng pinsan ni Maria.
Madalas sa harapan umuupo ang amo ni Bukoy kung kaya naman hindi nila napapansin na makukumpleto na rin niya ang simbang gabi. Kung hindi pa dahil sa mga larawan na kuha ni Maria ay hindi nila malalaman na palagi ring nagsisimba ang kanilang aso.
Ano kaya ang hihilingin ni Bukoy matapos niyang makumpleto ang simbang gabi?
0 Comments