Hindi ba ninyo napapansin ang mga dayuhang namumuhunan at nagtatayo ng mga negosyo sa ating bansa? Mga Tsino, Koreano, Hapon, Indiano at marami pang mga dayuhang lahi.
Nakapagtatayo sila ng negosyo sa ating bayan at talagang nagiging matagumpay sila. Ang mga kababayan pa nga nating mga Pilipino ang madalas na nagiging manggagawa o empleyado nila.
Nakakalungkot isipin na napakarami sa atin ngayon ang kinakailangan pang magpunta sa ibang bansa upang doon maghanap-buhay at kumita ng pera. Ayon sa isang netizen, nagtataka din siya kung bakit yumayaman at nagtatagumpay ang mga dayuhan sa ating bansa.
Kalaunan pa nga ay dito na rin talaga sila bumubuo ng sarili nilang pamilya at dito na rin nila pinipiling manirahan. Bakit nga kaya ang mga Pilipino na nakatira sa bayan na ito ay kinakailangan pang umalis at magtrabaho sa ibang bansa para lamang kitain ang perang dapat sana ay dito na lamang kinikita sa Pinas?
Kinakailangan pa tuloy nilang malayo sa kanilang mga pamilya kung saan maraming mga magulang ang nangungulila sa kanilang mga anak at ilang mga anak rin ang nawalan ng pagkakataong makasama ang kanilang mga magulang sa mga mahahalagang sandali ng kanilang buhay. Maraming nagsasabi na nakagisnan na kasi natin ang mga kaisipan na kung makakapagtapos ka ng pag-aaral sa kolehiyo ay makakahanap ka ng magandang trabaho at doon ka yayaman.
Hindi natin natuklasan na madalas ang pagiging masipag, matiyaga at madiskarte din ang maaaring maging daan upang magtagumpay tayo sa buhay nang hindi na natin kailangan pang lisanin ang bayan na ating kinalakihan. Marahil kung mas naging mentalidad natin ang magtayo ng isang magandang negosyo, higit sa pagiging isang empleyado ay mas magkakaroon tayo ng tyansa na makapagpatayo ng sarili nating bahay, makabili ng sarili nating sasakyan at makapagbiyahe sa iba’t-ibang magagandang lugar kung ating nanaisin hindi ba?
Masakit talaga ang katotohanan na kahit andito na ang pera sa ating bansa ay umaalis pa tayo upang kitain ito sa dayuhang bansa.
0 Comments