Marahil ay madalas nating naririnig ang mga katagang “madaling sabihin na mag-iipon ka ng buong taon ngunit napakahirap nitong pangatawanan”. Hindi madali ang kumita ng pera lalo na sa mga ordinaryong Pilipino tulad natin.



Kung nais talaga nating makapag-ipon ng husto ay kakailanganin nating maging disiplinado at responsable. Hindi maaaring magpabaya at basta basta na lamang gumastos lalo na kung mayroon tayong pinag-iipunan.

Ilan sa mga bagay na madalas nating pag-ipunan ay ang pangarap nating bahay at lupa, sasakyan, negosyo, edukasyon ng ating mga anak, pagbiyahe o pamamasyal at ilan pang mga personal na bagay na nais nating mabili. Ngunit aminin man natin o hindi, marami sa atin ang hirap na makapag-ipon ng pera dahil sa maliliit lamang ang ating sinasahod buwan buwan na napupunta lamang sa marami nating mga gastusin.




Sinong mag-aakala na ang isang netizen na ito ay makakapag-ipon pa ng husto sa gitna ng pandemyang nararanasanan natin at kahit pa nga nawalan siya ng trabaho buhat nang magsara ang salon na kaniyang pinagtatrabahuhan. Ibinahagi ng netizen na ito na hindi na nagpakilala ang kaniyang nakakabilib na kwento sa Facebook page na CFO Peso Sense.






“Di ko po mapigilan maging emotional habang inaayos ko ‘tong naipon ko this pandemic. Nagsara ang pinagtatrabahuhan kong salon nang ilang buwan. Pero alam naming meron pa kaming magagawa kasi malakas pa ang aming katawan,” Pagbabahagi ng netizen.




Hindi rin niya akalain na magagawa nilang makapag-ipong mag-asawa pagkatapos ng “lockdown” o “enhanced community quarantine” noong Marso 2020. Ang naging sandata lamang nilang mag-asawa ay labis na pagtitipid, matinding pagba-budget at diskarte.

Lahat kasi ng mga produktong maaari nilang ibenta, basta legal ay hindi nila pinalalampas. Magkatuwang silang mag-asawa upang kumita pa rin ng pera kahit maraming mga negosyong nagsasara na at mga empleyadong nawalan na ng kanilang mga trabaho.

“Nagbenta ng kahit anong legal… sinugod namin ng asawa ko ang mga pamilihan para bumili ng mga mabebenta kahit alam namin ang panganib na kaakibat nito… para sa pamilya. Itong naipon ko ngayon ay magiging simula ng mas malaki kong plano para sa 2021, na sa tulong ng Diyos at sa aking pananampalataya sa Kanya, kini-claim kong magiging successful.” Dagdag pa ng netizen.

Source: Facebook