Sa araw-araw nating buhay ay maraming mga bagay ang talagang hindi mo inaasahan na mangyayari. Kamakailan lamang ay napabalita ang isang pamilya na muntikan nang mapahamak dahil sa nasunog nilang saksakan.
Ang pamilya ni Annex Codilla ay mapalad na nakaligtas sa posibleng sunog na agad naagapan ng kanilang alagang aso. Hindi kasi tumigil sa pagtahol ang alaga nilang Dachshund na si Rover hanggang sa mayroong magising sa kanila at makita ang pagkakasunog ng kanilang saksakan.
Ang pamilya ay nakatira sa Barangay Silangan sa San Mateo Rizal. Nangyari ang insidenteng ito noong Enero 24 na noong una ay inakala pa nilang mayroong magnanakaw na tinatahulan ang kanilang alagang aso.
Nang magising ang partner ni Annex na si Sarah ay doon na niya nakita ang tunay na dahilan ng pagiging balisa ni Rover at ang walang tigil nitong pagtahol. Ang naturang saksakan pala na nagliliyab ay ginamit nila para sa kanilang refrigerator na batid naman nating malakas talagang kumonsumo ng kuryente.
Agad itong tinanggal ni Sarah sa pagkakasaksak kung kaya naman naagapan ang sunog at posibleng kapahamakan na kanilang maaaring sapitin.
“Kaya pala hindi siya mapakali, hindi nya kami tinigilan hanggang sa magising kami. Akala ko may tao. Kaya [pala] pagbangon ko, amoy sunog na at umuusok na ung saksakan ng ref namin,” Pahayag ni Annex.
Maliban sa kabayanihang ito ng kanilang dalawang taong gulang na alagang si Rover ay minsa nna rin pala itong nakakita ng ahas na hindi niya rin tinigilang tahulan upang mabigyan ng babala ang kaniyang mga amo. Hindi naawat si Rover na kagat kagatin ito hanggang sa tuluyan na itong hindi gumalaw.
Laking pasasalamat naman ng pamilya sa ginagawang pagbabantay at pagprotekta sa kanila ni Rover. Tunay nga na hindi natin inaasahan na sa mga ganitong pagkakataon ay ililigtas pa tayo ng mga alaga nating hayop.
Kung kaya naman dapat ay mas maging responsible at mapagmahal tayo sa ating mga alagang hayop dahil ang ipinapakita nilang pagmamahal sa atin ay hindi rin naman matatawaran.
0 Comments