Ang diabetes ang isa sa pangunahing sakit sa bansa. Isa lamang ito sa maraming mga sakit sa puso, sa baga at sa utak na talagang nagiging dahilan upang pumanaw ang isang tao.

Kamakailan lamang ay nagbigay ng ilang paalaala ang sikat na doktor ng bayan na si Doc Willie Ong , isang Internest at Cardiologist patungkol sa mga “warning signs” ng diabetes na hindi natin dapat balewalain. Narito ang ilan sa kanila:



  1. Mas madalas umihi kaysa dati lalo na kung madaling-araw.
  2. Mas nauuhaw, tuyo ang bibig at madalas gusto kumain ng matatamis.
  3. Pumapayat o nababawasang timbang kahit pa madalas naman ang pagkain.
  4. Laging gutom
  5. Madalas na parang pagod ang pakiramdam at nanghihina.
  6. Lumalabo ang mata
  7. Namamanhid ang mga kamay at mga paa.
  8. Sa mga kababaihan, maaaring mayroong vaginal discharge o impeksyon sa pwerta.

Hindi biro ang sakit na ito kung kaya naman habang maaga pa ay dapat natin gawin ang lahat ng ating makakaya. Maging maingat tayo lalo na kung mayroon nang miyembro ng pamilya natin ang nagkaroon na ng sakit na ito.

Dapat rin na magpasuri kaagad ng “fasting blood sugar” at “Hemoglobin A1C” dahil mas “accurate” ito kung may pangambang mayroon ka na diabetes. Dyeta at gamot ang ilan sa mga bagay na maaari pang gawin upang maagapan ito.




Kung nais talaga ng epektibong paraan ay huwag na huwag nang uminom ng mga “soda”, “instant juices”, at uminom na lamang ng sapat na baso ng tubig sa araw-araw. Isang tasa ng kanin o di kaya naman ay brown rice o “oat meal” ay sapat na.






Iwasan ang mga mamantikang pagkain. Kung kakain naman ng karne ay mas mabuting kasing laki na lamang ng kahon ng posporo ang sukat ng karneng kakainin.




Mas makabubuti rin ang kumain ng maraming mga gulay dahil sa “natural carbohydrates” nito. Peras, mansanas at 2 piraso ng saging ay sapat na kung nais kumain ng prutas. Iwasan na lamang ang pagkain ng ubas, mangga, at pakwan dahil sa sobrang tamis ng mga ito.

Huwag ring kalimutan ang mag-ehersisyo araw-araw. Tuluyan nang iwasan ang paninigarilyo at pag-inom ng alak upang hindi na makaranas pa ng matinding komplikasyon dulot ng sakit na ito.

Nagpayo rin si Doc Willie na gawin ang mga paalala niyang ito upang mas makasama pa natin ng matagal ang ating pamilya at mas humaba pa ang buhay ng marami sa atin.

Source: Facebook