Good Samaritan sa gitna ng pandemya, kinabiliban matapos ilibre ng makakain ang isang batang namamalimos sa lansangan!




Madalas ay nakakita tayo ng mga bata o matatandang namamalimos sa lansangan, tirik man ang sikat ng araw o malakas ang patak ng ulan. Tila hindi nila alintana ang panganib na nakaabang sa kanilang buhay.

Mahirap man ang kanilang sitwasyon ay wala silang ibang magawa dahil sa wala din naman silang sapat na pera upang makapagtapos ng pag-aaral o di kaya naman ay makapaghanap ng maayos na trabaho. Kung kaya naman tila ba tinanggap na lamang nila ang mahirap nilang kapalaran, umaasa na balang-araw ay magiging maayos din ang lahat at giginhawa rin ang kanilang buhay.



Kamakailan lamang ay umantig sa publiko ang kwentong ito ng isang netizen patungkol sa isang batang lansangan na namamalimos sa labas ng isang fast-food chain. Ayon sa netizen na nakilala bilang si Jj Villareal, lumapit sa kaniya ang bata at nagpapabili ng isang pirasong manok na mayroong kanin at inumin.



Hindi pa rin daw kasi kumakain ng pananghalian ang batang ito kung kaya naman talagang nahabag si Jj. Dahil dito ay hindi na nagdalawang-isip pa ang netizen na pagbigyan ang munting kahilingan ng bata kung kaya naman binilhan na rin niya ito.

Nang naibigay na niya ang pagkain sa bata ay talagang tuwang-tuwa ito, agad naman din namang humirit ang bata kung maaaring “family size” na ang bilhin ni Jj upang may maiuwi din siya sa kaniyang pamilya dahil sa kaarawan din ng kapatid nito. Sa kasamaang-palad ay wala nang sapat na pera si Jj kung kaya naman dinagdagan na lamang niya ng “fries” ang pagkaing bigay sa bata.



Narinig naman ng isang babae sa kanilang likuran ang kanilang naging usapan kung kaya naman sinabi nitong bibilhan din niya ng karagdagang pagkain ang bata. Labis ang kagalakan ng bata dahil sa wakas ay makakapag-uwi siya ng ganitong pagkain para sa kaarawan ng kapatid niya.




Umalis na din si Jj habang iniwan na niya ang batang naghihintay pa ng pangakong pagkain ng babae. Ayon sa naging caption ni Jj sa kaniyang viral post: “Lord, ingatan n’yo po ang mga nasa lansangan na namamalimos. Bata man o matanda. ‘Di ako mayaman pero ‘pag meron ako, handa ako magbigay kahit konti.”





Post a Comment

0 Comments