Noong ating kabataan ay marami tayong mga nakasanayang kaugalian na sa ngayon ay hindi na masyadong nabibigyang-pansin at halaga. Halimbawa na lamang ay ang pagtulog sa hapon o ang “siesta” kung tawagin.
Maraming mga kabataan noon ang talaga namang tumatakas sa kanilang mga bantay o di kaya naman ay nagtutulog-tulugan para lamang hindi sila mapagalitan o mapalo ng kanilang mga magulang. Sa ngayon ay hindi ito madalas na ginagawa ng marami sa atin. Kamakailan lamang ay naging usap-usapan itong muli sa social media matapos itong ibahagi sa Facebook page ng “Batang Pinoy-Ngayon at Noon”.
Makikita sa kanilang viral post ang larawan ng ilang mga batang naglalaro at talaga namang masayang-masaya. Ngunit mayroon ding ilang mga larawan na makikita kung saan tila dahan-dahan ang mga batang tumatakas sa kanilang bantay.
Mayroon pang isang larawan kung saan makikita ang isang ina na mayroong hawak na pamatpat sa kaniyang likuran at hinihintay ang kaniyang anak na umuwi sa kanila. Maraming mga netizens ang talaga namang naka-relate sa pangyayaring ito at karamihan sa kanila ay hindi na napigilan pang magbahagi ng kanilang mga sariling karanasan patungkol dito.
Narito ang ilan sa kanilang mga naging komento:
“Hehehe relate na relate dahil kapag nagising kurot sa singit at pingot sa tenga, ganyan ang matatanda noon kaya mga bata disiplinado, ngayon akala may bitin na hollow block mga paa minsan maaapakan ka pa, hindi man lang marunong humingi ng pasensiya o patawad,” komento ng isa.
“Talagang ganiyan kami noon, may takot bawat kilos, kahit sa tingin lang para kang pinapalo sa puwit, mami-miss mo talaga ang mga aral noon, at disiplina na bawal na ngayon, kaya mga bata nawalan na ng respeto sa matatanda, kahit sa kapwa nila bata.” turan naman ng isa pang netizen.
“Ganitong-ganito talaga kami eh.. kunwari natutulog dahil pinapatulog kami sa tanghali hanggang hapon pero kapag nakatulog ang tagabantay lalo na yaya namin, dahan-dahan na kaming bumabangon at lalabas ng bahay para makipaglaro sa ibang mga bata: tumbang lata/preso, patintero, habulan, tagu-taguan, lastiko, trumpo, teks at halos lahat ng larong pambata,” pahayag naman ng isa pa.
“Haha gawain ko ‘yan noong bata pa ako, mga 6 years old pa lang, lagi kaming pinapatulog tuwing tanghali, kapag tulog na bantay, dahan-dahan na akong lalabas para maglaro. Tapos kapag nagising ang bantay wala na ko sa tabi niya, hahanapin ako sa labas at papaluin ng sinturon may kasama pang kurot sa tagiliran para matulog ulit. Those were the days na iniiyakan ko noon, pero ngayon tinawanan na lamang.” pagkukwento naman ng isa pang netizen.
0 Comments