Sa bansang Japan, maraming mga nagiging karanasan ang mga dayuhang turista doon na sa tuwing makakaiwan sila ng isang bagay, gadget man ito, bag o pitaka ay talagang mababalikan nila ito sa lugar kung saan nila ito naiwanan. Tunay na nga hindi ito pag-iinteresan ng kahit sino sa kanila dahil para sa kanila ay mas mahalaga ang kanilang dignidad kaysa sa ano pa mang materyal na bagay.



Ngunit nakakalungkot lamang isipin na kapag sa ating bansa ka nakalaglag o nakaiwan ng isang mahalagang bagay, madalas ay hindi mo na ito makukuha pang muli. Kahit pa nga naging natural na ang mga ganitong bagay ay marami pa rin talaga ang nagsusumikap na mabago pa ang kaisapan ng mga tao, lokal na turista man o dayuhan patungkol sa mga naiiwanang gamit na ito.




Tulad na lamang halimbawa ng isang “concerned citizen” na nakilala bilang si Alex Crisologo. Nakapulot kasi siya ng isang pitaka at kalaunan ay natuklasan niyang sa isang delivery rider pala ito. Ika-12 araw ng Disyembre noon at hindi inaasahan ni Alex na mapupulot niya ang pitaka ni “Tirso Tecson Plazos Jr.” na mayroong laman na 12,750 piso at ang kaniyang “driver’s license”.




Agad naman niyang ipinagbigay alam sa publiko sa pamamagitan ng social media na siya ang nakapulot ng pitaka ng rider.



“May rider po nakahulog ng wallet dito sa may crossing ng District Anabu. Hindi niya napansing nahulog wallet niya. Hindi ko na nahabol. Pakitulungan na lang po mga paps,” Pahayag ni Alex.




Hindi lumipas ang araw na iyon at naibalik na nga sa tunay na may-ari ang kaniyang pitaka. Dahil na rin ito sa pagmamalasakit ng mga netizens matunton lamang ang taong nagmamay-ari ng pitakang ito.

“Maraming salamat po sa mga nag-comment, nag-share at sa mga tumawag sa aking mga concerned citizens. Naibalik na po yung nalaglag na wallet ni Sir Tirso Tecson Plazos Jr.,” pagbabahagi pa ni Alex.