Naghain nga ng isang panukalang batas si Senador Lito Lapid kung saan inaatasan ang lahat ng nga “car dealers” at mga “retailers” na magtanim ng mga puno sa bawat sasakyan na kanilang maibebenta. Upang matugunan na rin ang pagnanais ng marami sa atin na mapag-ingatan pa ang ating kapaligiran, ipinasa ng senador ang “Senate Bill No. 1938”.
Layunin ng batas na ito na atasan na magtanim ng hindi bababa sa sampung mga puno ang mga car dealers at retailers sa bawat isang “unit” na kanilang maibebenta. Ang pagtatanim ng puno ay dapat matapos sa loob lamang ng anim na buwan mula nang maibenta ang naturang sasakyan.
Ibinahagi din naman ng senador na mahalaga ang magiging gampanin ng mga car dealer at retailers na ito para sa ating “reforestation” dahil sa ang mga sasakyan na ibinebenta nila ang pangunahing dahilan ng matinding polusyon sa hangin at pagkasira ng ating kapaligiran.
“Hindi naman lingid sa ating kaalaman na kabilang sa nagpapadumi ng ating hangin at kasama na rin sa dahilan ng pagkasira ng ating kalikasan ay ang mga sasakyan at ang ibinubuga nitong usok,” Pahayag ni Sen. Lapid
Ipinaalala din naman ng senador ang naranasan nating sakuna nang dumaan ang magkakasunod na mga bagyo sa ating bansa kung saan maraming mga pamilya ang talagang naapektuhan dahil na rin sa naging kapabayaan natin sa ating kalikasan.
“Ngayon ramdam na natin ang tindi ng galit ng kalikasan lalo na sa panahon ng mga sakuna gaya ng bagyo kaya ngayon na rin ang tamang panahon na sa tingin ko ay dapat na aksyunan natin ang problemang ito.” Dagdag pa ng Senador.
Sa ilalim din ng panukalang batas na ito, ang sinumang hindi tatalima rito ay magbabayad ng multang hindi bababa sa Php10,000 sa bawat punong hindi maitatanim. Ang “Department of Trade and Industry” (DTI) ang ahensiya na mangunguna at mangangasiwa sa pagpapatupad ng batas na ito.
Source: SenatePH
0 Comments