Hindi na bago sa maraming mga Pilipino ang pagtangkilik sa mga beauty pageant lalo na kung mayroon tayong mga sarili nating pambato mula sa ating lugar, maaaring kababayan natin, kamag-anak, kaibigan o kakilala. Todo-suporta din tayo sa mga kandidata nating kumakatawan sa Pilipinas sa mga international beauty pageants.
Kapag sinabing “beauty pageant candidate”, madalas na naiisip natin ang mga magagandang katawan at magagandang mukha ng mga kababaihan. Sunod dito ay ang angkin nilang katalinuhan, adbokasiya, personalidad, at talento.
Sa dinami-rami ng mga beauty pageant na atin nang napanuod, marami pa rin ang nagulat dahil sa natatanging patimpalak na ito sa Negros. Lahat kasi ng mga kalahok dito ay walang suot na make-up.
Ang “Negrosanon Queen 2021” ang kauna-unahang patimpalak na walang ginamit na “filters” sa mga larawan ng mga kandidata nila at wala ring make-up ang mga ito. Ipinagmamalaki ng patimpalak na ito ang pagiging “authentic” at “raw” ng mga binibining kasali rito.
Nais din ilang ipakita sa publiko ang natural na kagandahang mayroon ang maraming mga Negrosanon. Matapos nilang ibahagi ang mga larawan ng naggagandahan nilang mga kandidata ay ipinaliwanag din nila ang kanilang misyon na magkaroon ng isang “Negrosanon Queen” na magpapakita ng tunay na ganda ng isang Negrosanon.
“Mga Langga, we are proud to present to you our 25 Negrosanon Queen Grand Finalists vying for the crown and title of the #NoFilter The Search for Negrosanon Queen 2021.” Pahayag nila sa kanilang Facebook page.
“We are giving you a one of a kind and unique online pageant that celebrates the true beauty of a Negrosanon lady that is raw, authentic and unfiltered.” Dagdag pa nila.
Sa Pebrero 6, 2021 sa ganap na 8:00 ng gabi ito mapapanuod sa mismong Facebook page ng Negrosanon Palanggaon at Congressman Arnie Teves. Maraming mga netizens ang pumuri sa napakagandang adbokasiyang ito na talagang nagpapalaganap ng tunay at natural na kagandahan ng maraming mga Pilipina.
0 Comments