Isang batang lalaki ang hinangaan ng publiko matapos nitong ibigay ang kaniyang upuan para sa nanay na may dalang sanggol at ang kaniyang kamay ay ginamit naman niyang unan para sa natutulog niyang ina sa loob ng tren!





Sa panahon natin ngayon, marami na talagang nagbago. Hindi lamang mataas na presyo ng mga bilihin o mababang sweldo ng manggagawa kundi ang malaking pagkakaiba ng kaugalian ng mga tao noon at ngayon.



Kung noon ay marami pa tayong mga nakikita na magagaling at mababait na mga tao ngayon ay tila unti-unti nang nababawasan ang mga ito. Halimbawa na lamang sa loob ng isang pampublikong sasakyan, marahil ay madalang na tayong makakita ng mga taong nagbibigay ng kanilang upuan para sa matatanda, mga buntis, mag PWDs, o mga taong may kasamang bata.

Nakakalungkot man ito ngunit ito na ang reyalidad sa ngayon. Marami na sa atin ang talagang nasasanay na. Ngunit sa kabila nito ay mayroon pa rin palang iilan na nagpapakita ng pagmamalasakit at pagmamahal sa kanilang kapwa.



Tulad na lamang ng isang batang ito sa Tsina. Napansin ang hindi pa nakikilalang bata ng isa ring pasahero ng tren.

Nakaupo ito sa tabi ng kaniyang ina na pagod na natutulog nang biglang may sumakay na isang babaeng may dalang sanggol. Hindi nagdalawang-isip ang bata na ibigay ang kaniyang upuan sa nanay at nang mapansin niyang mahimbing na ang tulog ng kaniyang ina ay inilagay pa niya ang kaniyang kamay sa ulunan nito upang ito ay maging komportable.

Maging ang dala-dalang mga bag ng kaniyang ina ay siya na mismo ang nagbitbit. Sa murang edad ay batid na ng bata kung ano ang dapat niyang gawin sa mga ganitong sitwasyon.

Nakakamangha dahil kung sino pa ang bata ay siya pang maasahan natin na magpakita ng pagmamalasakit sa kanilang kapwa. Kung sana ay mas marami pa sa atin ang magiging katulad ng batang ito, mas magiging maayos at madali ang buhay natin.

Hindi naman kailangang maging mayaman o maging matanda para lamang makatulong tayo sa ating kapwa. Sa pagiging isang mabuting magulang at anak ay tiyak na magiging biyaya rin tayo sa mga taong nakapaligid sa atin.





Post a Comment

0 Comments