Totoo pala ang madalas sabihin ng mga matatanda sa atin noon na kapag ikaw ay naging isang magulang na tiyak na gagawin mo ang lahat para sa iyong mga anak. Wala ka kasing ibang iisipin kundi ang mapabuti ang iyong anak at matupad nito ang kaniyang mga pangarap sa buhay.



Bilang mga magulang ay wala naman tayong ibang magagawa kundi ang suportahan sila sa mga bagay na nais nila habang sila ay lumalaki. Ito rin ang ginawa ng 41 taong gulang na si Manny Herrera.

Dati raw siyang matadero noon ngunit nagdesisyon na lamang siyang tulungan ang kaniyang misis sa binuksan nitong tindahan noong 2015. Kinailangan kasi ng kaniyang asawa ang makakatuwang dahil sa talagang nahihirapan ito sa kaniyang pagtitinda.




Sa kanilang pagtitinda ay madalas nalilito siya sa mga barya tulad ng sampung piso at limang pisong barya kung kaya naman pinaghihiwalay niya talaga ang mga ito. Hindi niya namalayan na marami-rami na rin pala siyang naiipon na sampung-pisong barya hanggang umabot na ito ng Php13,000.




Nang malapit na ang kaarawan ng kanilang anak noong Oktubre 18 ay napagdesisyunan ng mag-asawang ibili ng bike ang kanilang anak dahil sa nakakahiligan na rin nito mag-bike tulad ng kaniyang ama. Kung kaya agad na nagpasama si Tatay Manny sa kaniyang manugang sa Quiapo upang doon ay maghanap ng napupusuang bike ng kaniyang anak.



Ayon kay Tatay Manny ay buhat buhat nila ang isang bag na puno ng barya at tila ba may buhat silang mabigat na bata habang sila ay naghahanap ng mabibiling bisekleta. Offroad bike daw talaga ang gusto ng kaniyang anak ngunit dahil sold-out na ito ay naghanap na lamang sila ng iba pang bike upang hindi naman masayang ang kanilang pagpapagod.

Ang presyo ng bike na gusto ng kaniyang anak ay nasa Php32,000, bitbit nila ang kaniyang Php13,000 na baryang puro sampung piso. Noong una ay hindi pa ganoon kagusto ng kaniyang anak ang nabili nilang bike ngunit nang masakyan niya ito ay talagang makikita sa kaniyang mukha ang labis na kasiyahan.

Talaga namang napakasarap magkaroon ng mga magulang tulad nina Tatay Manny, hindi ba?