Nagkalat na nga talagang ang mga taong walang magawa sa buhay at nais lamang magdulot ng perwisyo sa kanilang kapwa. Madalas nating naririnig at napapanuod sa mga balita ang patungkol sa mga pasaway na mga “customer” na umoorder ng ilang mga pagkain o produkto ngunit hindi naman pala tunay ang detalyeng kanilang ilalagay.
Ang kanilang tirahan at maging ang kanilang pangalan ay hindi totoo kung kaya naman walang ibang magawa ang mga “delivery rider” na ito kundi kuhanin at bayaran na lamang ang mga produktong ito na hindi naman talaga sila ang umorder. Ngunit sa kabila ng mga negatibong balitang ito ay mayroon pa rin palang mga magagandang balita patungkol sa mga parokyano ng “online delivery services”.
Ang rider kasi na si Raniel Miranda ay nabiktima rin ang “fake booking”. Ang nag-book sa kaniya ay walang iba kundi ang ginang na si Evelyn Gutierrez Cabuhat na nagpa-deliver ng ilang mga sangkap sa pagluluto ng spaghetti. Mayroon ding ilang mga “instant juice”, at palaman.
Hindi akalain ni Raniel na para sa kaniya pala ang mga ito, sorpresa ni Evelyn sa mga katulad niyang riders. Ayon sa naging pahayag niya, nang nakarating siya sa “pick-up point” ay nagulat siya nang sabihin ni Evelyn na i-deliver na niya ito sa kanilang bahay dahil para talaga sa kaniya iyon. Talaga namang hindi makapaniwala si Raniel at labis itong ikinataba ng kaniyang puso.
Hindi niya akalaing mayroon pa rin palang mga taong nagpapahalaga sa mga katulad niyang rider lalo na sa panahon ngayon na mas maraming mga taong mapanghusga sa kapwa. Tila ba hindi nila nakikita ang hirap at sakripisyo ng kanilang kapwa na ang nais lamang ay kumita ng kaunting pera para sa kanilang pamilya.
Napakahirap humanap ng trabaho sa ngayon, hindi madaling maghanap-buhay kung kaya naman sana ay mas marami pang mga tao ang maging mabuti sa kanilang kapwa ano man ang kanilang trabaho o estado sa buhay.
0 Comments