Sa panahon natin ngayon, damang-dama na natin ang epekto ng matinding polusyon na nangyayari hindi lamang sa Pilipinas kundi sa marami pang mga lugar sa iba’t-ibang panig ng mundo. Talaga namang sinisikap ng marami sa atin ang makatulong sa pagsalba sa ating kapaligiran at sa mundong ating tinitirhan.



Ngunit kahit pa nga marami nang mga organisasyon ang nagsusulong ng kanilang mga adhikain patungkol dito at gayundin naman ang mga taong nagsusumikap upang kahit papaano ay hindi na makadagdag sa polusyon, marami pa rin talagang mga taong pasaway. Ang pagbibisikleta ay isa sa mga pamamaraan natin upang makabawas sa usok at polusyon sa ating hangin.


Wala kasi itong inilalabas na usok at hindi na rin kailangan pang gasolinahan. Ngunit mayroon pa rin talagang ibang mga pasaway na siklista lalo na ang mga siklistang ito na huling huli sa harap ng kamera. Ayon kasi sa video na ibinahagi sa publiko ni EDSA Traffic Chief Bong Nebrija ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kapansin-pansin ang mga nagbibisikletang tila hindi natatakot sa maaari nilang sapitin lalo na kung magpapatuloy sila sa kawalan nila ng disiplina.



Animo kasing nakikipagpatintero sa mga mabibilis na sasakyan ang ilan sa mga siklistang ito. Mayroon pa ngang isang siklista na hindi na tumitingin sa kaniyang harapan habang nagbibisikleta kung kaya naman nabangga niya ang likurang bahagi ng isang nakahintong bus.

Ayon sa MMDA traffic czar, marami talagang mga siklista sa ngayon ang hindi na nagsusuot ng helmet at “reflectorized vest” habang nagbibisikleta sila sa kahabaan ng EDSA. Marami din sa kanila ang nakasuot lamang ng tsinelas.



Dagdag pa ni Nebrija, walang magawa ang mga traffic enforcers ng MMDA dahil sa wala raw silang karapatang hulihin ang mga siklistang ito dahil sa hindi na ito sakop ng kanilang pagtitiket.


“Kaya kanina ang nagagawa na lang namin pagsabihan ‘yung iba, pabalikin sa footbridge o kaya pabalikin kung saan nanggaling. That’s all that we can do,” pahayag pa ni Bong Nebrija.




Source: GMA