Maraming mga magulang ang labis na nagbibigay halaga sa edukasyon ng kanilang mga anak. Para kasi sa kanila ay magandang edukasyon lamang ang kaya nilang ipamana sa kanilang mga anak upang magkaroon ang mga ito ng maayos na kinabukasan.
Ngunit nakakalungkot nga lamang isipin na marami sa atin ang nakakaranas ngayon ng malaki at mahirap na pagbabago dahil na rin sa “module learning” ng mga kabataan sa ngayon. Maraming mga magulang na nga ang nagrereklamo dahil sa napakadaming modyul ang kailangang sagutan ng kanilang mga anak.
Hindi naman lahat ng mga magulang ay nakapagtapos ng pag-aaral at marami din ang nagtatrabaho sa kanilang mga bahay o “work from home”. Ito ay dahil sa hindi pa rin maaari ang tradisyonal na pamamaraan natin ng pag-aaral sa loob ng mga silid-aralan kung kaya “online classes” o di kaya naman ay “modular learning” na muna ang naisip na paraan ng pamahalaan upang makapagpatuloy pa rin ng pag-aaral ang maraming mga kabataan sa gitna ng pandemya.
Kung maraming mga magulang ang tila nagrereklamo sa dagdag trabaho na ito, kakaiba naman ang larawang kumakalat ngayon sa social media. Larawan kasi ito ng mag-asawa na seryosong nagsasagot ng mga modyul ng kanilang anak habang ang mag-aaral ay tila hayahay lamang ang buhay at walang pinoproblemang kahit ano.
Makikita pa nga sa larawan na relaks na relaks pa ang postura nito at umiinom pa ng “softdrinks” habang ang kaniyang mga magulang sa kaniyang tabi ay talagang makikita mong tutok na tutok sa kanilang sinasagutang modyul. Ayon sa panawagan ng Kagawaran ng Edukasyon, nais nila sanang gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagsagot sa mga learning modules na ito ngunit hindi upang sagutan nila mismo ang lahat ng mga ito.
Para naman sa mga magulang ay sadyang napakarami ng halos sampu at mahigit pang modyul para sa isang estudyante lamang lalo na kung mayroon kang higit pa sa isang anak.
0 Comments