Panahon na naman ng mga bagyo sa ating bansa. Marami sa atin ang nasanay na sa ganitong panahon dahil halos taon taon naman ay nangyayari ito.
Nakakalungkot lamang talaga na marami sa mga lugar sa Pilipinas ang talagang labis na naaapektuhan lalo na kung matindi ang buhos ng ulan. Malimit nating nakikita ang mga lumulutang na kalat sa tubig-baha tulad na lamang ng mga plastik na bote, mga balat ng mga pagkain, mga “diaper”, “sanitary napkin” at kung ano ano pang mga nakakadiring bagay.
Hindi na nakapagtatakang magdulot ang mga ito ng mas matinding baha dahil sa hindi na nagkakaroon pa ng maayos na pagdaloy ng tubig sa mga lugar na binabaha. Ngunit kamakailan lamang ay talagang nagulat ang maraming mga netizens dahil sa napakalinaw at napakalinis na tubig-baha ng isang bayan na ito sa Laguna.
Hindi napigilan ng maraming mga netizens ang mapa-sana all dahil sa hindi marumi at hindi nakakadiri ang naging tubig-baha ng bahaging ito ng Laguna. Ayon naman sa paliwanag ng kanilang alkalde na si Mayor Vince Soriano ay talagang ganito ang tubig-baha sa kanilang lugar dahil sa ang tubig na ito ay dumadaloy dito ay nagmula sa Turumba Spring Resort na isang “fish sanctuary” sa bayan ng Pakil.
“Ang dami pong nagmemensahe at nagtatanong sa akin ukol sa mga larawan pong ito na posts ng aming kababayang si Ms. Lorraine Antazo, kaya minarapat ko na rin pong mag-post dito sa aking page ukol rito. Sa mga nagtatanong kung saan po ito sa Pakil, kuha po ang mga larawang ito sa Malaking Ilog na sakop ng Barangay Burgos sa Poblacion.” Pahayag ng alkalde.
“Para po sa kabatiran ng lahat, ang ilog pong ito ay natural na malinis dahil ang tubig na dumadaloy dito ay nanggagaling direkta sa Turumba Spring Resort. Deklaradong Fish Sanctuary rin po ito ng aming bayan. Noong humupa ang Bagyong Ulysses kahapon, iyan po ang kinalabasan ng baha sa nasabing lugar.” Dagdag pa ng alkalde sa kaniyang post para sa kabatiran ng mga netizens.
Sa comment section ng naturang post ay mayroong iilang mga residenteng nagbahagi pa ng ilang mga larawan patunay na talagang napakalinis nga ng kanilang lugar. Sinong mag-aakala na ang kanilang kanal ay kakikitaan mo rin ng mga isdang malayang lumalangoy na talaga namang hindi hinuhuli o pinaglalaruan ng mga residente dito na mayroong mga disiplina.
0 Comments